Kapatid ni Percy Lapid may mga death threat

Kapatid ni Percy Lapid may mga death threat

October 24, 2022 @ 4:15 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Inihayag ni Roy Mabasa nitong Lunes, Oktubre 24 na nakakatanggap siya ng mga banta sa buhay kasabay ng isinasagawang imbestigasyon sa pamamaslang sa kanyang kapatid na broadcaster na si Percy Lapid.

“Katakot-takot na pong death threat ang inaabot ko. Kaya nga po hindi ako nakapunta sa DOJ para sa kaalaman niyo lang dahil may banta po sa aking buhay,” sinabi ni Mabasa sa panayam ng DZBB.

“Masyadong brazen ‘yung mga messages na pinapadala sa akin sa cellphone, sa messenger, may video chat pa. Alam niyo kung ganoon ‘yung natatanggap niyo under the circumstances, iisipin niyo pa ba lumabas,” dagdag niya.

Matatandaan na noong Oktubre 3 ay binaril-patay si Lapid o Percival Mabasa sa tunay na pangalan, habang ito ay pauwi sa Las Pinas.

Ngayong Lunes ay sinimulan na ng Department of Justice ang paunang imbestigasyon sa murder complaint na inihain laban sa self-confessed gunman na si Joel Escorial at tatlo iba pang kasabwat sa pagpatay sa mamamahayag.

Nang matanong naman tungkol sa pamilya ng nasawing itinuturong middleman na si Jun Villamor, ibinahagi ni Mabasa na maging ang mga ito ay natatakot na rin sa kanilang buhay.

Matatandaan nitong Oktubre 18 ay nasawi si Villamor habang nasa loob ng New Bilibid Prison.

“Natatakot sila dahil alam kung nasaan silang lugar… ako naman lahat ng pagtitiis ginagawa ko na para lang makausap lang sila. Pero ako’y nakikiusap pa rin na sana’y bilisan namin ‘yung aksyon dahil kami ‘yung biktima dito. Kami ‘yung pinatayan ng kapatid,” pagbabahagi ni Mabasa. RNT/JGC