Kapatid ni Percy Lapid, pinutakte ng fake FB

Kapatid ni Percy Lapid, pinutakte ng fake FB

December 11, 2022 @ 9:45 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Pinuputakte ng mga pekeng Facebook accounts si Roy Mabasa, kapatid ng napatay na mamamahayag na si Percy Lapid.

Sa isang episode ng kanyang programa sa radyo, sinabi ni Mabasa na ang ilang Facebook accounts na nagpapadala ng mensahe sa kanya ay nagpapanggap na mga babae.

Aniya, posibleng trolls ang mga ito at nais siyang ilagay sa hindi magandang sitwasyon.

“Tayo po ay nakakatanggap ng iba’t ibang messages sa ating Facebook messenger app at ito po ay mga messages na mga kunyari’y nagpapanggap na mga gusto kang maging kaibigan, makipagkilala, at ito po ay nagpapanggap na mga magagandang dilag,” sinabi ni Mabasa.

“Maya-maya ay nakikipaglandian na, mga kaibigan.”

Dagdag pa ni Mabasa, may isa pa ngang account na nag-video call sa kanya at bigla na lamang ipinakita ang pribadong parte ng katawan nito habang siya ay nasa lunch meeting.

Naireport at na-block na niya ang mga accounts kasabay ng pagbura sa mensahe ng mga ito.

“Magtulong-tulong tayong labanan itong mga fake news, itong mga fake Facebook account sapagkat naglipana po talaga lalo ngayon na noong napatay si Ka Percy, lahat ng mga istorya sa telebisyon, sa newspaper na napo-post po sa online ay pinapasok po ng libo-libong trolls,” ani Mabasa. RNT/JGC