KAPITAN LION ELEUTERIO CASTILLO SR., PUMANAW NA

KAPITAN LION ELEUTERIO CASTILLO SR., PUMANAW NA

March 1, 2022 @ 2:24 PM 4 months ago


SUMAKABILANG-buhay noong Pebrero 5, 2022 ang dating Barangay Chairman ng Mataas na Lupa sa Indang, Cavite na si Kapitan Eleuterio Pecho Castillo, Sr. sanhi ng atake sa puso.

Isinilang si Kap. Terio sa San Ildefonso, Ilocos Sur noong January 21, 1942 nina Gng. Basilia Pecho at G. Lorenzo Castillo. Pangatlo siya sa apat na magkakapatid na sina Amado Castillo, Juan Castillo Sr, Eleuterio Castillo Sr, at Ernesto Castillo. Nakapag-aral at nakapagtapos siya ng elementarya at sekondarya sa San Ildefonso.

Naging esposa niya si Juana Romen Castillo na lahing Brgy. Kaytambog sa Indang, Cavite at nanirahan na sila sa noo’y  Sitio Checkpoint ng Brgy. Alulod na ngayo’y   Brgy. Mataas na Lupa sa Indang, Cavite.

Bagama’t isang Ilokano, mas pinili na niyang manirahan, mamuhay at magnegosyo sa Indang kaya sa puso at isip niya, isa siyang Kabitenyo.

Nabiyayaan silang mag asawa ng apat na anak na sina Ester Castillo-Lontoc na kabiyak ni Lino Lontoc, Eleuterio Jr, na kabiyak ni Laniza Vicedo, Enrico na kabiyak ni Perla Baybay at Edgardo na kabiyak ni  Belinda Yamamoto. Mayroon silang 16 na apo at 14 na apo sa tuhod.

Naging negosyante si Kap. Terio at nanilbihan din siya sa Brgy. Mataas na Lupa bilang barangay chairman at naglingkod ng 14 na taon.

Naging aktibo rin siyang kaanib ng noon ay Indang Lions Club sa pamumuno ni Indang Mayor Lion Fulgencio Guevarra hanggang sa New Indang Lions Club ni Lion Ben Ramos at sa mga huling sandali ng kanyang buhay katandaan ay nakasama pa rin siya sa 3rd Generation or Batch ng kasalukuyang Indang Cavite Highlands 103 Lions Club sa pamumuno ni Lion Albert Ramos.

Nakilala si Kap. Terio bilang mabait, matulungin, maunawain, masayahin at palabiro kaya naman marami sa kanyang mga kapamilya, kamaga-nakan, kabarangay, kaibigan at ka-Lions ang lubhang nalungkot sa kanyang biglaang pagpanaw.

Inihatid ang labi ni Kapitan Terio sa huling hantungan noong Pebrero 13, 2022 sa Brgy. Poblacion 3 sa Indang.