Kapitbahay naulol sa kahol ng aso; amo kinatay

Kapitbahay naulol sa kahol ng aso; amo kinatay

June 16, 2022 @ 3:01 PM 2 weeks ago


ESCALANTE CITY- Patay ang isang lalaki matapos pagsasaksakin ng lasing na kapitbahay dahil sa kahol ng alagang aso ng una, Miyerkules sa lungsod na ito.

Kinilala ang biktimang si Salvador Lamoste, 33-anyos habang naka-hospital arrest naman ang suspek na kinilalang si Tammy Abayon, 35-anyos, at kapwa residente sa Sitio Bunyag, Purok Kalubihan, Barangay Magsaysay, Escalante City.

Ayon kay Police Staff Sergeant Jerry Kim Ughayon, imbestigador ng Escalante City Police Station, bandang 7:00 M naganap ang krimen sa labas ng bahay ng biktima sa nasabing lugar.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, bago ang insidente narinig ni Lamoste na malakas ang kahol ng kanyang aso kaya lumabas ito ng bahay ay sinilip kung may tao gamit ang flashlight.

Naitutok nito ang flashlight kay Abayon na ikinagalit ng huli hanggang sa pinagsasaksak siya sa iba’t ibang parte ng katawan.

Sa kabila ng mga sugat na tinamo sa katawan ni Lamoste nagawa pa niyang kumuha ng itak sa kanilang kusina at tinaga si Abayon na tinamaan sa katawan .

Nagawa pang mag-agawan ng patalim ng dalawa hanggang sa tumakbo ang suspek at dinala naman sa ospital ang biktima subalit sa daan pa lamang ay nalagutan na ito ng hininga.

Rumesponde naman ang mga pulis sa nasabing lugar at nahuli ang suspek saka dinala ito sa ospital para lapatan ng lunas ang tinamong sugat.

Nabatid na dati na rin may alitan sina Lamoste at Abayon.

Inihahanda na ang kasong isasampa laban sa suspek./Mary Anne Sapico