Karagdagang bayad sa mga gurong nagsilbi sa Halalan 2022 hirit ng DepEd

Karagdagang bayad sa mga gurong nagsilbi sa Halalan 2022 hirit ng DepEd

May 15, 2022 @ 11:15 AM 1 month ago


MANILA, Philippines- Nagsisikap ang Department of Education (DepEd) na makatanggap ng karagdagang bayad ang mga guro at non-teaching personnel na nagsilbi sa Halalan 2022.

Nakikipag-ugnayan na ang DepEd Election Task Force, sa pangunguna nina Undersecretary for Administration Alain Del Pascua at Procurement Management Service Director Atty. Marcelo Bragado, sa Commission on Elections (COMELEC) para sa karagdagang P3,000 kada personnel.

Inihayag ng DepEd na ang karagdagang kompensasyon ay para sa extended hours ng pagtatrabaho ng electoral board members sa araw ng eleksyon dahil sa palyadong vote-counting machines at SD cards.

Pinaplano ng DepEd na ipamahagi ang honoraria at iba pang allowances sa Mayo 24 o bago pa sumapit ito alinsunod sa Comelec Resolution No. 10727. RNT/SA