Karagdagang oral anti-COVID drug dumating na sa Maynila

Karagdagang oral anti-COVID drug dumating na sa Maynila

January 3, 2022 @ 4:30 PM 7 months ago


MANILA, Philippines- Dumating na sa lungsod ng Maynila ang karagdagang gamot na Molnupiravir na isang “oral anti-COVID drug” para sa mga pasyenteng may mild symptoms ng COVID-19.

Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno Domagoso, nasa 20,000 tabletas o 500 botelya ng Molnupiravir ang binili ng lokal na pamahalaan bilang paghahanda na din sa posibleng pagtaas ng bilang ng mga tatamaan ng COVID-19 sa lungsod.

Aniya, nasa 22,000 tabletas pa ang natitira pa nilang gamot kaya’t nasa kabuuang 42,000 tabletas ng Molnupiravir pa ang hawak ng Manila Health Department (MHD) kung saan tinatayang nasa 1,000 pasyente ang makikinabang nito.

Giit ni Domagoso, bukod sa nasabing gamot ay mayroon pang tangan ang Manila LGU ng higit 700 na Tocilizumab at higit 3,000 Remdesivir para naman sa mga nasa severe at critical na kondisyon na covid patient.

Nabatid naman kay Vice Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan na maaring tumawag sa hotline numbers ng Manila Emergency Operations Center (MEOC) ng MHD ang mga nais makakuha ng libreng gamot kung saan kailangan lamang nilang makapagprisinta ng reseta na nagmula sa ospital, address, at contact number.

Samantala, nagsagawa din ng inspeksyon sina Domagoso at Lacuna sa Araullo Quarantine Facility bilang bahagi ng kanilang paghahanda sa posibleng pagtaas ng bilang ng aktibong kaso ng Covid-19 lalo na ngayong may bagong variant na omicron kung saan mas mabilis itong makapanghawa. JAY Reyes