Karagdagang P10B kakailanganin sa BSKE sa 2023

Karagdagang P10B kakailanganin sa BSKE sa 2023

October 13, 2022 @ 7:06 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Mangangailangan ng karagdagang P10 bilyon sa ipinagpalibang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), sa inaasahang karagdagang gastos sa pag-arangkada nito sa Oktubre 2023, ayon sa Commission on Elections (Comelec).

Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na mangangailangan ang komisyon ng kabuuang P17.5 bilyon para magdaos ng halalan sa susunod na taon mula sa orihinal na iskedyul ng Disyembre.

Ang Comelec ay may badyet na P8.5 bilyon para sa botohan, kung saan P1 bilyon ang ginastos, ani Garcia.

Ayon pa kay Garcia, P5.7 bilyon ang gagastusin para sa honoraria ng mga guro na magsisilbing poll supervisor.

Idinagdag niya na P900 milyon ang mapupunta sa pag-imprenta ng karagdagang mga balota dahil inaasahang mas maraming botante ang muling pagbubukas ng voter registration sa huling bahagi ng Nobyembre.

Sinabi ni Garcia na P300 milyon ang ilalaan sa pagsasanay ng mga manggagawa sa halalan, kung saan kasama ang kanilang pagkain, allowance sa transportasyon, at ang renta para sa mga venue, at ang natitira para sa iba pang mga gastos at suplay sa pagpapatakbo.

Aniya, kailangang bayaran ng Comelec ang militar, pulis, at coast guard para sa pagbibigay ng mga tauhan at iba pang mapagkukunan sa panahon ng halalan. Jocelyn Tabangcura-Domenden