Karagdagang padala ng cargo, balikbayan boxes inaasahan na ng PPA

Karagdagang padala ng cargo, balikbayan boxes inaasahan na ng PPA

November 30, 2022 @ 8:24 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Sinabi ng Philippine Ports Authority (PPA) nitong Martes na inaasahan nito ang pagdami ng shipping ng foreign at domestic cargo ngayong holidays sa pagpapauwi ng mga Pilipino ng balikbayan boxes.

Sinabi ni PPA spokesperson Eunice Samonte na karaniwang naoobserbahan ang pagdami tuwing Oktubre hanggang Pebrero.

“Sa mga ganitong panahon talaga nagiging marami yung cargo, mula October nagsimula na ‘yan dumami, hanggat magtatagal ‘yan hanggang February,” ani Samonte.

“Base sa ating statistics, mayroon tayo ditong pag-increase mula sa nakaraang taon mula January hanggang October, mayroon tayong 7.16% na increase sa domestic and foreign container traffic natin,” dagdag niya.

“Ito yung inaasahan pa natin na madadagdagan pa habang papalapit na yung Christmas season dahil ito nga ‘yung mga kababayan natin na magpapadala na dito sa ating mga kababayan dito. ‘Yan yung mga inaasahan natin.”

Inihayag ng PPA spokesperson na ang average timeline para ma-deliver ang cargo sa bansa ay karaniwang inaabot ng isa hanggang dalawang buwan.

“Itong average timeline natin usually sa mga foreign cargo yung mga balikbayan boxes nila they can expect na matatanggap nila ito ng one to two months. So two months na yung maximum na matatanggap ito. Sa domestic naman natin na shipping merong pinakamatagal na dyan yung one week,” paliwanag niya.

“Pero paliwanag ko lang din kung paano napupunta sa ating mga kababayan, simula sa pagdaong ng mga kargo so i-inspect yan ng BOC [Bureau of Customs] sila yung nagtse-check ng mga laman nito at sometimes nagkakaroon ng mga delay, pero ine-expect naman natin sa ating mga kababayan na sinusubukan nating i-deliver sa kanila yung kanilang mga cargo sa lalong madaling panahon,” patuloy niya.

Kasalukuyang nakikipagtulungan ang BOC sa local firms upang ma-deliver ang libong balikbayan boxes, na inabandona ng foreign courier services. RNT/SA