KARAGDAGANG PROTEKSYON SA KALAMIDAD

KARAGDAGANG PROTEKSYON SA KALAMIDAD

June 9, 2022 @ 5:35 PM 3 weeks ago


MATAPOS ang pananalasa ng Taal volcano noong January 2020, sinundan ito ng pagkalat sa bansa ng salot na COVID-19 na naging pandemya kinalaunan. Nagsunod-sunod din ang mga bagyong dumating na nagdulot ng maraming kaso ng pagbaha na bukod sa maraming buhay ang kinitil ay nag-iwan ng pagkasira ng mga ari-arian.

Kamakailan lang, nagdesisyon ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na ipairal ang Alert level 1 sa mga kababayan nating nasa paligid ng Bulusan volcano sa Probinsiya ng Sorsogon dahil sa naitalang 17 minutong phreatic eruption o pagbuga ng usok o steam bunga ng pag-init ng tubig sa ilalim ng lupa na nadikit o maaring lumapit sa magma.

Sana naman huminto na ang pag-alburuto ng bulkan upang mawala na ang pangamba at maibalik na sa katiwasayan ang pamumuhay ng ating mga kababayan sa lugar.

Kailangan lamang ang kooperasyon at patuloy na pagtalima sa alert level para sa kaligtasan ng lahat. Rekomendadong isuot ang N95 facemask upang makontrol ang paglanghap ng ali­kabok mula sa bulkan.

Ngayong patuloy ang pag-ulan at kinakailangan ang karagdagang pag-iingat dahil usong-uso sa panahong ito ang pagkakaroon ng lagnat at trangkaso. Nandiyan din ang banta ng dengue dahil sa mga lamok o aedes mosquitoes ayon sa tawag ng mga eksperto. Kabilang din ang sakit na leptospirosis na maaring makuha sa paglusong sa mga baha.

Upang makontrol ito, kailangang panatilihin ang kalinisan at tanggalin ang mga sukal sa kapaligiran na maaaring pamahayan ng mga lamok at daga. Magsuot ng makakapal na damit o jacket panlaban sa lamig. Palakasin ang katawan at uminom lamang ng supplements na aprubado ng doktor. Magkaroon ng sapat na pahinga at sundin pa rin ang nakasanayang health protocols laban sa COVID-19 virus.

Laging tandaan na malaki ang maitutulong ng pagiging alerto at maingat upang matiyak ang ating kaligtasan at kalusugan.