Karagdagang satellite payout sites para sa pamamahagi ng tulong, target ng DSWD

Karagdagang satellite payout sites para sa pamamahagi ng tulong, target ng DSWD

February 28, 2023 @ 3:24 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Balak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na magbukas ng karagdagang satellite payout sites sa Metro Manila at mga karatig-lugar para paluwagin ang central office nito sa pagsisimula nito ng implementasyon ng scheduling system para sa pamamahagi ng tulong.

Sinabi ni DSWD spokesperson Romel Lopez nitong Lunes na binago ng ahensya ang sistem nito para sa pamamahagi ng tulong upang maiwsan ang siksikan at gulo sa central office nito sa Quezon City at para hindi na bumiyahe nang malayo ang mga indibidwal patungo sa tanggapan nito.

“Ang nakikita po natin ay i-cluster natin ‘yan: north, south, east, west. So meron po tayo sa CAMANAVA area, meron po tayo sa Quezon City area, meron rin po sa South, halimbawa Las Piñas at Muntinlupa,” pahayag niya sa public briefing.

“Bukod po sa NCR (National Capital Region), pwede po ang inyong ahensya na magkaroon ng satellite offices o mga payout, processing area sa mga lugar malapit sa NCR kagaya ng Rizal, Bulacan at Pampanga,” dagdag ng opisyal.

Sinabi ni Lopez na nakikipag-usap na si Social Welfare Secretary Rex Gatchalian para sa mga posibleng venue gaya ng cinema complex, covered court, at gymnasium.

Sinimulan ng DSWD central office na ipatupad ang scheduling system para sa aid distribution nitong Lunes. Itinakda ang payout schedule mula alas-5 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon. RNT/SA