KARAHASAN AT KORAPSYON SA EU LUMALALA SA DROGA

KARAHASAN AT KORAPSYON SA EU LUMALALA SA DROGA

March 1, 2023 @ 1:43 PM 4 weeks ago


PARAMI nang parami ang mga kriminal at korap sa European Union, sabi ng isang mataas na opisyal sa nasabing rehiyon ng mundo.

Mismong si Alexis Gosdeel, pinuno ng European Monitoring Centrefor Drugs and Drug Addiction, ang nagsasabi nito noong nakalipas na Enero lang.

Itinuturo nitong dahilan ang pagpasok ng mga droga sa EU at ang Belgium mismo ang pinakamalaking pasukan ng droga mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo, kasama na ang Ecuador at iba pang Latinong bansa at meron ding galing sa ilang Arabong bansa.

Sa mismong puerto ng Antwerp, Belgium karaniwang iniismagel ang mga droga.
Cocaine ang karaniwang droga na ipinapasok sa EU at kasama ang Mexico sa pagpapadala nito, gamit ang Ecuador at Colombia na transit point patungo sa Europa.

Tinatalakay natin ito, mga brad, kaugnay nang nadiskubreng halos 9 toneladang cocaine sa Ecuador na ibibiyahe sana ng mga druglord sa European Union.

Nagkakahalaga iyon ng nasa $330 milyon na katumbas sa pera natin sa mahigit P18.3 bilyon.
Maliban dito, may nahuli nang mahigit 200 tonelada ng cocaine sa Ecuador, papunta rin iyon sa EU kung hindi lang naharang.

Ngayon, ano ang karahasan at korapsyon na nililikha ng droga?

Sa Mexico, nasa 300,000 na ang napapatay sa giyera sa droga ng pamahalaan simula noong 2006 at maraming opisyal mismo ng pamahalan, lokal o pambansa, ay druglord o protektor ng mga druglord.

Sa Ecuador mismo, dalawang beses nang nagdeklara ang pamahalaan ng ‘state of emergency’ dahil sa mga patayang gawa ng mga gang dahil sa droga.

Kamakailan, naparito ang ilang miyembro ng European Parliament para harap-harapang sabihan tayo na walang katarungan sa Pinas at sila lang at kanilang International Criminal Court ang puwedeng magbigay ng katarungang kaugnay sa giyera ni Tatay Digong Duterte.

Ang mabuti pa huwag na silang bumalik at makialam sa Pinas at sa halip ay harapin na lang nila ang problema ng bansa nila kaugnay sa droga na sinasabi ni Alexis Gosdeel.