Karahasan sa mamamahayag, kinondena ni PBBM

Karahasan sa mamamahayag, kinondena ni PBBM

November 4, 2022 @ 9:10 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Mariing kinondena ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagbabanta at harassment laban sa mga mamamahayag.

Ang pahayag na ito ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) ay tugon sa ipinalabas na Global Impunity Index ng Committee to Protect Journalists (CPJ) kung saan nasa ikapitong puwesto ang Pilipinas simula 2020.

Sinabi ng task force na ang nasabing index ay nakababahala para sa kanila.

“The safety of all journalists and media practitioners is a top priority of President Ferdinand R. Marcos Jr.,” ayon sa kalatas ng PTFoMS.

“The administration of President Marcos condemns in the strongest terms all cases of threats, harassment, or violence committed against the members of the press, and it is working very hard with all government agencies and stakeholders to address this problem through the PTFoMS,” ang dagdag na pahayag.

Sinabi pa rin ng task force na karamihan sa mga kaso sa loob ng 10-year period ay fully investigated at itinuloy pa sa korte bagama’t mayroon pa ring mga isyu ng pagpatay sa mga mamamahayag ang hindi pa nalulutas.

Sa kabila ng ranking, binigyang diin ng PTFoMS na ang Pilipinas ay hindi kasama sa listahan ng World’s Worst Places to Be a Journalist o 10 Most Censored Countries sa buong mundo ng CPJ.

Sa kasalukuyan, ang PTFoMS ay sanib-puwersa sa Philippine National Police at media groups para makabuo at makapagpalabas ng panuntunan kung paano mapoprotektahan ang mga miyembro ng media.

Kapwa naman sinisigurado ng administrasyong Marcos at ng task force na ipagpapatuloy nito na maging proactive at magiging matatag sa kanilang mandato na ipagtanggol ang kalayaan sa pamamahayag sa bansa.

Pinayuhan naman ng PTFoMS ang mga media workers na kaagad na isumbong ang anumang insidente ng pagbabanta at harassment upang kagyat na mapagtuunan ng pansin ang kaso.

“Real-time police security may also be given to media worker in need, ” ayon sa task force. Kris Jose