Karamihan ng biniling ‘pricey, outdated’ laptop ng DepEd nakaimbak pa rin

Karamihan ng biniling ‘pricey, outdated’ laptop ng DepEd nakaimbak pa rin

October 21, 2022 @ 7:33 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nabuking sa pagdinig sa Senado na nasa 50 porsiyento pa ng mga laptop na binili at inilaan para sa Department of Education (DepEd) Central Office ay nakaimbak pa rin sa isang stock room.

Ito ang isiniwalat ni state auditor Job Aguirre Jr. sa ginanap na pagdinig ng Senate blue ribbon committee sa pagbili ng DepEd ng “mamahalin at lumang” mga laptop sa pamamagitan ng Department of Budget and Management – ​​Procurement Service.

“Napansin din namin ang mga hindi ipinamahagi na laptop. Sa 2,378 units ng mga biniling Dell laptops na inilaan sa DepEd Central Office, 1,678 units ang nanatili sa Asset Management Division stock room,” ani Aguirre.

Nadismaya naman dito si Senator Francis Tolentino, na siyang panel chairperson.

Ibinahagi rin ng senador ang impormasyong nakuha niya na ang mga laptop ay galing sa China.

Dahil galing ito sa China, iginiit ni Tolentino na hindi lalampas sa P27,000 kada unit ang landed cost.

Gayunpaman, nabanggit niya na ang kanyang impormasyon ay hindi pa nakumpirma at napatunayan.

Tinapos na ng Senate blue ribbon committee ang imbestigasyon nito sa isyu pagkatapos ng limang round ng mga pagdinig. RNT