KARAMIHAN SA MGA DOCTOR AT NURSE SUMASAILALIM SA ISOLATION

KARAMIHAN SA MGA DOCTOR AT NURSE SUMASAILALIM SA ISOLATION

January 17, 2022 @ 10:39 AM 7 months ago


PARA sa kaalaman ng publiko, ayon sa ating DOH o Department of Health, nasa 3,114 health workers dito lamang sa National Capital Region ang kasalukuyang sumasailalim sa isolation dahil sa exposure o pagkahawa sa mga tinamaan ng COVID-19.

 

Karamihan sa kanila ay “reinfection”, ibig sabihin, nagkaroon na sila ng COVID-19 dati at muli na namang nahawa. At talagang mangyayari ito at inaasahan ng DOH dahil ang mga health worker ang unang humaharap sa mga pasyente sa mga ospital.

 

Sa ngayon hindi problema kung may room o bed para sa mga pasyenteng naitakbo sa Emergency Triage.  Ang mga doctor at nurse pati na rin mga swabber at medtech nagkakasakit na rin kaya sila muna ang ginagamot sa loob ng ospital habang ang iba ay pinagpahinga habang nasa home quarantine.

 

Sa hanay rin ng mga pulis ay umakyat sa 2,843 ang mga panibagong tinamaan ng COVID-19.

 

Marami rin sa ating mga sundalo, coast guard, firefighter, traffic officer, barangay official at tanod ang nagkaroon ng COVID-19.

 

Kaya ang inyong Agarang Serbisyo Lady ay nalulungkot sa ilang mga kababayan natin na sinisisi pa ang ating mga frontliner kung bakit sila nahahawaan ng COVID-19. Imbes na pasalamatan at ipagdasal ay may paninisi pa na parang ginusto at kapabayaan pa ang nangyari kung kaya nahawaan sila.

 

Tandaan natin, nasa unang hanay ng laban at depensa kontra pandemya ang mga frontliner natin kaya talagang malaki ang tsansa na makakuha sila ng virus. Maging sensitibo naman sana ang iba nating mga kababayan at makakomento lamang. Paano kung nagkapalit kayo ng posisyon?  

 

Ang inyong lingkod ay mayroong mataas na respeto, pagkilala, pagpapahalaga at pagmamahal sa ating mga frontliner.  

 

Sinimulan na nitong Martes, January 11, ang “No Vaccination, No Ride / No Entry” policy ng DOTr o ng Department of Transportation.

 

Ayon kay DOTr Secretary Arthur Tugade, ang kautusan ay epektibo hanggang nasa Alert Level 3 ang Metro Manila.

 

Kailangang ipakita at berepikahin ang vaccination card o ang e-copy nito bago payagang makabili ng tickets sa mga bus, tren, MRT at LRT.

 

Kinukonsiderang “fully vaccinated” na ang isang tao matapos ang dalawang Linggo ng ikalawang bakunang itinurok sa double-dose vaccine o dalawang Linggo matapos ang single-dose vaccine na Johnsn and Johnson.  

 

Ang hakbang ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na limitahan ang paggalaw ng mga hindi pa nababakunahan para maiiwas na tamaan ng COVID-19.

 

Exempted naman ang hindi puwedeng bakunahan dahil sa taglay na comorbidity pero kailangang ipakita ang rekomendasyon ng doktor, at ang mabibigyan ng health pass ng kanilang Barangay.