Karamihan sa ranking PNP officials na sangkot sa droga, nagbitiw na – Azurin

Karamihan sa ranking PNP officials na sangkot sa droga, nagbitiw na – Azurin

January 30, 2023 @ 4:15 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Karamihan umano sa mga high-ranking Philippine National Police (PNP) na itinuturong may kaugnayan sa illegal drug trade ay nakapagpasa na ng kani-kanilang courtesy resignations.

Ito ang ibinahagi ni PNP chief Police General Rodolfo Azurin Jr. nitong Lunes, Enero 30 kasabay ng press briefing sa Camp Crame.

Ani Azurin, marami sa mga nagpasa ng courtesy resignations ay “retirables.”

Matatandaan na naunang sinabi ng pulisya na mayroong 10 ranking PNP officials ang sangkot sa illegal drug trade.

Nang tanungin naman kung kasama ba sa mga sangkot ay hindi pa nakakapagpasa ng kanilang courtesy resignation, tugon niya:

I really don’t know kung meron. I think karamihan nag-submit din.”

“So I have to check kasi ‘yung counting namin doon, 11 is majority doon, retirable,” dagdag pa niya.

“I see it more of a success because sabi ko nga, even ‘yung mga supposedly tinitignan natin na under investigation, they allowed themselves na mag-submit sila ng courtesy resignations,” pagpapatuloy ni Azurin.

Kamakailan ay nanawagan si Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos sa lahat ng senior PNP officials na magpasa ng kanilang courtesy resignation bilang bahagi ng hakbang ng pamahalaan na kalusin ang mga opisyal na sangkot sa illegal na droga.

Sa pinakahuling ulat, nasa 941 generals at full colonels na ang nagpasa ng kanilang courtesy resignation.

Susuriin naman ng five-man committee, kabilang si Baguio City Mayor Benjamin Magalong, ang mga nagpasa ng resignation.

Susuriin din ng National Police Commission ang pangalan ng mga opisyal ng pulisya na tinanggap ang ipinasang resignation.

Mayroon na lamang hanggang Enero 31 itinakdang petsa para sa mga hindi pa nakapagpapasa ng kanilang courtesy resignation. RNT/JGC