KARANASAN NG MAMAMAYAN HINDI SA DALDAL NG SIKAT

KARANASAN NG MAMAMAYAN HINDI SA DALDAL NG SIKAT

June 2, 2021 @ 7:13 PM 2 years ago


TANGGAPIN man natin o hindi, nagsimula na talaga ang pamumulitika, lalo’t sa Oktubre na ang pag-file ng kandidatura ng mga gustong maupo sa iba’t ibang posisyon mula sa Malakanyang hanggang Senado, Kamara, rehiyon at local government units.

Marami na ang maiingay sa social media at tradisyunal na media na dyaryo, telebisyon, radyo at ‘yung iba, may mga gimik gamit pa ang COVID-19 para mapansin.

Mayroon ding mga nagbabalak na mag-rally nang mag-rally para mapansin din pero medyo pigil dahil bawal ang maramihang pagtitipon na super spreader ng COVID-19.

Sa social media at sa tradisyunal na media nagpapansin nang todo ang mga politiko at partido at para lumakas ang kanilang mga sinasabi, sinasamahan ang mga ito ng mga mga influencer sa social media at tradisyunal na media.

Paninira ang pangunahing hawak ng mga politiko at mga sikat o celebrity nilang mga ayuda para sa maagang pangangampanya.

Pero dapat na tandaan na naganap na ito sa nakaraang mga halalan, partikular ang 2016 at 2019 at walang nangyari sa mga gumagamit ng puro paninira.

Ang tunay na influencer ay mga karanasan ng mga mamamayan, kabilang na ang mga isyu sa West Philippine Sea,

Halimbawa, naglalaban ngayon ang pagliligtas ng mga mangingisda at pwersa ng gobyerno sa nanganib ang buhay na 31 mangigisda kamakailan sa WPS at ang akusasyong pabaya, lalo na ang gobyerno sa mga mangingisda.

Naglalaban din ang pag-atras sa Panatag Shoal ng ilang namumulitika kaya nakuha ng China ang lugar na ito at ang mata­tag na pananatili ng pwersa ng gobyerno ngayon sa WPS nang walang atrasan kahit isang pulgada lamang.

Alin ang mananaig na impluwensya o influencer sa mga usaping ito pagdating ng halalang 2022 at alin ang makapupulot ng mas maraming boto?

Bantayan natin ang magaganap at malalaman ang resulta, makaraan ang halalang 2022 kung ano ang magwawagi base sa karanasan ng tao at hindi sa paninira.