KARAPAT-DAPAT NA PNP CHIEF

KARAPAT-DAPAT NA PNP CHIEF

July 27, 2022 @ 1:41 PM 3 weeks ago


HANGGANG sa sandaling ito, wala pang napipili na maging hepe ng Philippine National Police si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. kaya’t nananatiling officer-in-charge si Lt.Gen. Vicente Danao, Jr.

Marami ang nagsasabi na nalilito pa si Presidente Marcos kung sino ang kanyang itatalaga sa pambansang pulisya sapagkat bago pa man siya tumakbo sa halalan ay may mga miyembro na ng PNP na tumaya sa kanya.

Sinasabing apat na taga-norte na pawang ilang taon na lang sa serbisyo ang pumusta kay Pangulong Bongbong dahilan upang hindi makapagpasya kaagad ang ‘Commander-in-Chief’.

Subalit ilan sa mga opisyal ng PNP na ito ay sinasabing gumawa ng paraan upang magsiraan kung kaya’t nagkaroon ng batik ang kanilang mga pangalan na sila rin naman ang naging dahilan.

Ibig sabihin, hindi nagtulungan at nagbigayan ang mga ito kung kaya’t nadismaya ang Pangulo kaya nga hindi pa ito makapili kung sino ang iuupo sa puwesto bagaman ang isa sa mga kandidato ay matagal ng malapit sa pamilya Marcos.

Kaya nga naghahanap si PBBM katulong ang kalihim ng Department of Interior and Local Government na si Secretary Benhur Abalos kung sino ang karapat-dapat na maging PNP chief.

Kung ang apat na pinagpipilian ay may bahid ang pangalan dahil sa sila-sila ay nagsiraan, baka puwedeng tingnan ang record ni National Capital Region Police Office director PMGen. Felipe Natividad?

Tahimik lang magtrabaho si Natividad na ang gusto ay laging ma-focus sa mga opisyal at tauhan niya ang camera at hindi sa kanya.

Hindi siya pumorma at nagpabida sa panunumpa ng Pangulo noong Hunyo 30 sa National Museum subalit mula umaga hanggang hapon ay iniinspeksyon niya ang lugar upang makasiguro sa kaligtasan ni PBBM at mga dadalo sa mahalagang okasyon.

Ganoon din ang ginawa ni Natividad noong Lunes sa unang State of the Nation Address ni Presidente Bongbong.

Tahimik lang itong nagbibigay ng utos sa ground commander ng SONA sa Batasan Pambansa.

Kahit ang pamilya ni Natividad ay simple lang at hindi nagyayabang sa kanilang mga kakilala. May pagkakataon pa nga na kahit sa pagsisimba ay simple lang sila at hindi nagpapakilala kung kaya’t malayang nakapaglalakad sa kalsada patungo sa parokya nila.