Karapatan ng mga manggagawa na magwelga, siniguro ng DOLE chief

Karapatan ng mga manggagawa na magwelga, siniguro ng DOLE chief

July 19, 2022 @ 8:22 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Nangako si Labor Secretary Bienvenido Laguesma na tatanggapin niya ang mga karapatan ng mga manggagawa kahit na sa gitna ng mga alalahanin na ang ilang grupo ng manggagawa ay binansagan bilang mga communist sympathizers.

Sa pinakahuling episode ng The Mangahas Interviews, tinanong si Laguesma tungkol sa mga alalahanin ng mga militanteng lider ng manggagawa na maging ang karapatang magwelga ay maaaring maapektuhan dahil sa red-tagging.

Sinabi niya na utos ng Konstitusyon sa estado na tiyakin ang mga karapatan ng manggagawa na mag-organisa, sa sama-samang pakikipagkasundo, at mag-welga.

“Basta may kinalaman sa manggagawa, kami ay magiging bahagi ng pakikipagtulungan, pagsusulong ng kanilang karapatan dahil bahagi ‘yun ng aming mandato ayon sa Saligang Batas,” ani Laguesma sa interbyu.

“The right to self-organization, collective bargaining, and the right to strike in accordance with law. Ang mahirap lang minsan nakakalimutan yung phrase na in accordance with law,” dagdag pa niya.

Sinabi ni Laguesma na may mga proseso at alituntunin na dapat sundin sa ilalim ng batas.

“Basta lahat ng sumusunod sa itinatadhana ng batas, kami po ay kasama nila sa pagsusulong at pangangalaga ng kanilang karapatan,” ani Laguesma.

“‘Yun nga, kasama rin naman sa mandate namin dun sa Constitution na tiyakin na ang mga manggagawang nakakalahok dun sa mga konsultasyon, sa decision-making process, magkaroon sila ng karampatang pakinabang dun sa tinatawag na fruits of production,” giit pa niya.

Binanggit din ni Laguesma ang pangangailangan ng pamamahala na magkaroon ng patas at makatwirang kita sa kanilang mga pamumuhunan.

“Nakalagay rin po yan sa Constitution, sa Saligang Batas. Ay sino naman po ang magne-negosyo kung lahat ay palugi? Eh di hindi magkakaroon ng expansion and growth,” ayon pa sa bagong DOLE chief. RNT