Karapatan sa bank secrecy law, pwedeng alisin ng gobyerno – Escudero

Karapatan sa bank secrecy law, pwedeng alisin ng gobyerno – Escudero

July 19, 2022 @ 3:32 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Maaring magpalabas ng direktiba ang tatlong sangay ng pamahalaan at constitutional commissions na mag-aalis sa karapatan ng bawat opisyal at empleado sa Bank Secrecy Law, ayon kay Senador Francis “Chiz” Escudero, kamakailan.

Sa pahayag, sinabi ni Escudero na maaaring magpalabas ng resolusyon, circular o kautusan ang tatlong sangay ng pamahalaan kabilang ang constitutional commission na inaatasan ang lahat ng opisyal at empleado ng pamahalaan na i-waive ang kanilang karapatan sa ilalim ng Bank Secrecy Law habang nagsusumite ng kanilang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).

Aniya, limang beses na niyang inihahain ang panukalang magpalabas ng written persmission o waiver ang lahat ng opisyal at empleado ng pamahalaan para masuri ng Office of the Ombudsman ang lahat ng kanilang deposito sa loob at labas ng bansa sa nakalipas na limang Kongreso ngunit hindi inaaprubahan ng Lehislatura.

“May isa ring paraan na hindi kinakailangan ng batas. Ang Korte Suprema puwede mag-issue ng regulasyon na saklaw lahat ng judges at empleyado ng Korte Suprema kasama ang mababang korte. Ang [Commission on Elections, Civil Service Commission at Commission on Audit], puwede mag-issue ng circular para sa kanilang empleyado,” ayon sa senador.

“Ang president puwede rin mag-issue ng executive order o administrative order na sumasaklaw sa lahat ng empleyado sa Executive Department. Ang speaker at ang Senate president pwede rin mag-issue ng resolusyon na kaugnay nito na ‘di kailangan ng batas na mag-a-apply lamang sa mga empleyado ng kada ahensya ng gobyerno,” dagdag niya.

Ipinaliwanag ni Escudero na layunin ng kanyang pet bill na amendahan ang Bank Secrecy Law upang obligahin ang lahat ng opisyal at empleado ng pamahalaan na lumagda sa waiver kapag nagsumite ng kani-kanilang SALNs.

Batay sa Section 2 ng panukala, na nagsasabing “All public officials and employees as defined under paragraph (b) in relation to paragraph (a), Section 3 of Republic Act No. 6713, except those who serve in honorary capacity, shall submit to the Office of the Ombudsman a written permission or waiver in favor of the Office of the Ombudsman to examine, inquire and look into all their deposits, in banks and other financial institutions, both in and outside the Philippines, including investment bonds issued by the government of the Philippines, its political subdivisions and instrumentalities.”

Isusumite ang written permission o waiver sa loob ng 30 araw mula sa panahon ng pagkaluklok sa tanggapan.

Inaatasan naman ang lahat ng pampublikong opisyal at empleado na nagsisilbi na s apamahalaan na magsumite ng waiver at written permission na hindi lalampas sa 30 araw matapos maging epektibo ang implementing rules and regulations ng panukalang batas.

Sinumang mabibigong magsumite nito, hindi siya papayagan na pumasok sa tungkulin o gawin ang kanyang trabaho sa alinmang tanggapan.

Nakatakda sa panukala na tanging ang Ombudsman lamang ang puwedeng kumuha o gumamit sa written permission o waiver kabilang sa impormasyon at data na nakakalap nito.

Hindi maaaring gamitin ang waiver o written permission sa iba pang kadahilanan maliban sa pag-iimbestiga ng beripikadong reklamo o paglilitis ng kaso sa korte.

“Hindi gagalawin ang Bank Secrecy Law. Ang ginagawa lang ng panukalang batas na ‘yan ay nire-require lahat ng empleyado at opisyal ng gobyerno kasabay ng pag-file niya ng SALN niya na pumirma ng waiver ng secrecy of bank deposits para ito ay puwede matingnan ng AMLC, ng Ombudsman at ng DOJ upang sa ganon hindi magamit ang Bank Secrecy Law na itago anumang nakaw o hindi karapat-dapat na pera o yaman na meron sila,” aniya.

“Simple ang paniniwala ko — kung wala kang kinakatakutan, kung wala kang tinatago, wala ka dapat katakutan. Kung ayaw mo pumirma ng waiver e di ‘wag ka pumasok sa gobyerno,” giit ni Escudero. Ernie Reyes