KARDINAL SA FRANCE VS OBISPO SA PINAS

KARDINAL SA FRANCE VS OBISPO SA PINAS

November 9, 2022 @ 11:39 AM 4 weeks ago


MAGKAKAIBA ang mga pinaggagagawa ng mga kardinal at obispo sa ibang bansa at sa mga obispo sa Pinas.

Habang labis na kahihiyan sa simbahan ang ipinakikita ng ilang kardinal at obispo sa iba, gaya ng sa bansang France, nandito naman sa Pinas ang isang masasabing pupwedeng hangaan.

KAHIYA-HIYANG KARDINAL, 10 OBISPO

Pinangalanan mismo ng mga kapwa nila obispo ang mga manyakis na lider-simbahan.

Ayon mismo kay Archbishop Eric de Moulins-Beaufort, nangunguna sa mga rapist at pedohile si Kardinal Jean-Pierre Ricard, naupong Obispo sa Bordeaux, na nang-rape umano ng 14 anyos na babae noong kura paroko pa siya 35 taon na ang nakalilipas.

Kinausap at humingi na umano ng tawad sa kanyang biktima si Kardinal Ricard na isa nang 78 anyos.

Si Bishop Michel Santier, na dating nadestino sa Creteil, ay nagretiro makaraang maungkat naman ang pangmamanyak dalawang dekada na ang nakaraan.

‘Yung iba pang siyam na obispo ay kabilang sa 3,200 kabuuang bilang ng mga rapist at pedophile na lider-simbahan ng France sa nakaraang mga dekada simula noong 1950.

May 216,000 na sekswal na inabuso, karamihan nagkakaedad ng 10-13 at karamihan ang batang lalaki.

Sa ngayon, 1 sa mga obispo ang patay na habang kinasuhan sa simbahan o sa mga hukuman ng France ang iba.

KALABAN NI PAPA KIKO

Kabilang sa mga kumilos laban sa mga manyakis na lider-simbahan mismo si Pope Francis o Papa Kiko.

Sa kanyang direktiba simula nitong nakaraang taon, krimen sa Vatican City ang pagkakasangkot sa sexual abuse, pagpapalaki ng mga bata na maging mga sex object, pagkakaroon ng child pornography at pagtatakip sa mga pang-aabuso o krimen.

Saludo tayo kay Papa Kiko.

SA PINAS?

Masasabing pupwedeng hangaan naman si Bishop Crispin Varquez, ng Borongan, Samar sa aktibo nitong pagmamalasakit sa kapaligiran at mga biktima ng kalamidad kaugnay ng labis na nasisirang kapaligiran na nagdudulot ng pagbabago o pag-iinit ng panahon na lumilikha ng mga mababangis na panahon at kalamidad.

Sa paggunita ng trahedya na nilikha ng super bagyong Yolanda, sinabi nitong dapat itigil na ang pang-aabuso at pagwasak sa kapaligiran.

Kilala ang mahal kong Pinas na may mataas na antas ng polusyon at kalbong kagubatan na gawa ng mga tao na lumilikha ng sinasabing climate change o pag-iinit ng mundo at ikinasisira na nito.

Dahil sa pag-iinit ng mundo, nagaganap na ang sala sa init at sala sa lamig na panahon.

‘Yun bang === kung bumagyo at umulan, labis-labis at kung tag-init naman, labis-labis din.

Kay kung bumagyo at umulan, naririyan ang mga tsunami, grabeng baha gaya ng nangyari sa Samar-Leyte na ikinasawi ng nasa 6,000 katao at ikinawala hanggang ngayon ng mahigit 1,600 iba pa.

Kapag tag-init naman, naririyan ang pagkatuyo ng mga bukirin at maging ng mga ilog hanggang sa magkaroon ng mga katakot-takot na sunog, na naranasan sa Europa nitong mga nagdaang mga buwan lamang.

MATUTO SA MGA KARDINAL AT OBISPO

Makaraan ang sulating ito, mga Bro, dapat matuto tayo sa mga pinaggagagawa at pinagsasasabi ng mga kardinal at obispo.