Karding nakalabas na ng PAR; habagat magpapaulan naman

Karding nakalabas na ng PAR; habagat magpapaulan naman

September 27, 2022 @ 6:42 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nakalabas na sa Philippine Area of Responsibility si Bagyong Karding pero makaaapekto pa rin sa bansa ang buntot nito sinamahan pa ng habagat sa kanlurang bahagi ng Southern Luzon at Visayas ngayong Martes, iniulat ng PAGASA.

Huling namataan si bagyong Karding (Noru) sa layong 735 kilometro sa kanluran ng Dagupan City, Pangasinan.

Taglay ni Karding ang maximum sustained winds na 150 kilometers per hour, pagbugsong aabot sa 185 km/h, at kumikilos pakanluran sa bilis na 40 km/h.

Ang Palawan, Occidental Mindoro, Bataan, Zambales, at Kanlurang Visayas ay magkakaroon ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog dulot ng habagat at buntot ni Bagyong Karding na may posibleng pagbaha o pagguho ng lupa dahil sa katamtaman hanggang sa kung minsan ay malakas na pag-ulan.

Ang Metro Manila at ang nalalabing bahagi ng bansa ay magiging bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may pulu-pulong mga pag-ulan o pagkidlat-pagkulog dahil sa habagat at mga localized thunderstorm na may posibleng pagbaha o pagguho ng lupa sa panahon ng matinding pagkulog.

Sumikat ang araw bandang 5:45 a.m., habang lulubog ito ng 5:49 p.m. RNT