Karnaper, patay matapos makipagbarilan sa pulis

Karnaper, patay matapos makipagbarilan sa pulis

July 11, 2018 @ 2:26 PM 5 years ago


 

Paranaque City – Patay ang isang pinaniniwalaang notoryos na karnaper at miyembro ng riding in tandem robbery-hold-up group matapos itong makipagbarilan sa mga pulis kahapon ng madaling araw sa Paranaque City.

Dead on the spot sanhi ng ilang tama ng bala sa ibat-ibang bahagi ng katawan buhat sa hindi pa batid na kalibre ng baril ang suspect na si Jason De Jesus, at nakatira sa Barangay San Antonio, Paranaque City.

Sa report ng hepe ng Paranaque City Police na si Sr. Supt. Victor Rosete, naganap ang insidente alas-3:35 kahapon ng madaling araw sa kahabaan ng C5 Extension, Brgy. Moonwalk ng naturang lungsod.

Ayon sa nagsasagawa ng Oplan Sita ang mga pulis na nakatalaga sa Police Community Precinct (PCP) 6, nang mamataan nila ang dalawang kalalakihan na naka-motorcycle riding in tandem.

Sinita ang mga ito ng mga pulis para magsagawa ng inspection subalit sa halip na tumigil ang mga suspek ay nagmaniobra ang mga ito at pinaharurot nila ang kanilang motorsiklo.

Dahilan upang habulin ito nina P01 Carlos Nice at PO1 Michael Ignacio subalit pinutukan sila ng suspect na si De Jesus hanggang sa magkaroon ng palitan ng putok.

Ang palitan ng putok ay humantong sa agarang kamatayan ni De Jesus at ang  kasabwat nito ay halos mabilis na tumakas.

Napag-alaman sa record ng pulisya, na ang nasawing suspek ay may warrant of arrest sa kasong Carnapping at isa rin umano itong kilabot na holdaper at drug surrenderee.

Nagsasagawa na ng follow-up operation ang pulisya kontra sa kasabwat nito at inaalam na rin ang pagkakakilanlan nito. (James I. Catapusan)