Karnaper patay sa engkuwentro

Karnaper patay sa engkuwentro

January 10, 2022 @ 6:22 PM 7 months ago


SAN JOSE CITY, Nueva Ecija – Nasawi ang isang hinihinalang karnaper ng traysikel makaraang makipagbarilan umano ito sa pulisya sa inilatag na dragnet operation sa Barangay Camanacsacan ng lungsod na ito, kamakalawa ng madaling araw.

Kinilala ng pulisya ang napaslang na suspek sa alyas na “Bunny Joson”, nasa hustong edad, at residente ng Barangay Sibut, dito.

 Batay sa ulat, nangyari ang insidente bandang alas-3:50 ng madaling araw noong Linggo.

Nabatid na may kinarnap umanong kulay itim at asul na Bajaj CT100 na may galvanized sidecar, sa Barangay Abar 1st, dito, noong Sabado ng gabi, kung saan sa Barangay Camanacsacan ng lungsod na ito, inabangan ng pulisya ang pagdaan ng suspek.

Nang mamataan umano ang nasabing traysikel na padaan sa lugar ay pinara ito ng pulisya ngunit hindi umano ito inihinto ng suspek, bagkus ay bumunot pa umano ito ng baril at ipinutok sa awtoridad.

Wala umanong tinamaan ang suspek at dito na umano nagkaroon ng running gunbattle ang dalawang kampo na hindi nagtagal ay humantong sa kamatayan ng suspek.

Narekober sa crime scene ang baril na ginamit ng suspek na isang cal .38 revolver, ang dalawang basyo ng cal. 9mm at ang nakaw na traysikel. Ver Sta. Ana