Karumal-dumal na pagpatay sa 17-anyos sa Cebu, naresolba matapos ang 5-taon – NBI

Karumal-dumal na pagpatay sa 17-anyos sa Cebu, naresolba matapos ang 5-taon – NBI

January 18, 2022 @ 10:46 AM 7 months ago


Naresolba na ang kaso ng pagpatay sa isang 17 anyos na binatilyo matapos ang limang taon (2017) sa Cebu, ayon sa National Bureau of Investigation (NBI).

Sinabi ni Supervising Agent Arnel Pura ng National Bureau of Investigation-Mandaue District Office (NBI-Mandaue District Office), sinampahan na ng kasong murder ang principal suspek na si Markjun Ponce at dalawa pa nitong kasama sa papatay sa biktima.

Sinabi ni Pura na nakakulong si Ponce sa Lapu-Lapu City Jail para sa isa pang kaso ng pagpatay.

Ayon sa NBI-Mandaue District Office, pinatay umano ang biktima matapos silang magtalo.

Sinasabing lider ng gang sa Lapu-Lapu City si Ponce at sinaksak umano ang biktima at pinalo sa ulo ng bato.

Inilarawan naman ng NBI ang suspek bilang isang “drug-crazed” suspect, ibinaon ang biktima sa hanggang tuhod na hukay sa isang liblib na lugar sa Sitio Bunga, Barangay Agus sa Lapu-Lapu City.

Ayon pa sa NBI, ang dalawa ay magkapitbahay sa bayan ng Cordova at maraming testigo sa pagpatay ngunit sila ay binantaan na mangyayari sa kanila ang kaparehong insidente kapag sila ay nagsumbong sa mga awtoridad.

Dagdag pa ni Pura, naresolba lang ang nasabing pagpatay matapos simulan ng NBI ang imbestigasyon noong Nobyembre 2021 nang makatanggap sila ng impormasyon na ang biktima ay ibinaon sa lupa. Jocelyn Tabangcura-Domenden