KASAGUTAN SA ‘ARMED AND DANGEROUS’ SA DROGA

KASAGUTAN SA ‘ARMED AND DANGEROUS’ SA DROGA

December 6, 2022 @ 8:26 AM 2 months ago


PINASADAHAN natin kahapon ang pagpatay sa mga pulis-Mabalacat City, Pampanga na sina SMS. Sofronio Capitle Jr. at SSgt. Dominador Gacusan Jr. na nakatalaga sa Mabalacat Police – Drug Enforcement Unit.

Dahil sa tila buong laya ang mga suspek na lumapit at bumaril kina Capitle at Gacusan at buong laya ring tumakas gamit ang dalawang motorsiklo, sinabi nating may posibilidad na awtoridad ang mga suspek.

Bukas na kasaysayan na kasing walang checkpoint-checkpoint sa mga nakasibilyang pulis na armado at gumagala sa mga kapwa nilang unipormadong pulis na nagmamando ng mga checkpoint.

Kasaysayan ding tiklop o nakasiper ang bibig ng ilang pulis sa gawaing kriminal ng mga kapwa nila pulis, lalo na kung nakikinabang ang mga ito o kaya’y superior nila ang mga iskalawag.

Pero ngayon, lumalabas na sibilyan ang mga may kagagawan sa krimen na sina Jun Jun Baluyut, Aries Bagsic, Leslie Placiente, ang napatay na si Kiel Patrick Chua, alias Kelkel at isang Kenneth Flores at “alias Pusa”.

Dahil sa bilis ng paglutas sa krimen, sumasaludo tayo kay Police Regional Office 3 director P/ BGen. Cesar Pasiwen at mga pulis niya na mabilis na umaksyon laban sa mga salarin.

Ang ingatan o bantayan na lang siguro riyan ay kung may pumalag sa mga suspek at magsabing “fall guy” siya o silang lahat o kaya’y akusahan ang mga pulis ng pagtatanim ng ebidensya o pag-torture o extra-judicial killing sa kaso ni Chua.

Sa pakikipanayam natin sa mga pulis, mga brad, ayaw ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. na magiging madugo ang giyera sa droga kaya bibihirang may matunghayang patayan sa mga diaryo…na oks naman sa marami.

Pero ibang usapan na ang katulad ng kaso nina Capitle at Gacusan at ibang biktima ng mga iskalawag o sangkot sa droga.

Walang dapat masayang na buhay ng tapat sa tungkulin na awtoridad at inosenteng sibilyan.