Kasambahay na may written employment contract, 35K lang – DOLE

Kasambahay na may written employment contract, 35K lang – DOLE

January 13, 2023 @ 6:25 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Tanggap ng Department of Labor and Employment (DOLE) na nagkakaroon sila ng problema sa pagpapatupad ng Batas Kasambahay.

Kasunod nito ang pagsasabing mayroon lamang 35,000 mga kasambahay ang mayroong kasulatan o written contracts sa kanilang mga employer.

Sa survey na isinagawa ng National Wages and Productivity Commission at Philippine Statistics Authority noong 2019, sinabi ni DOLE-Bureau of Workers with Special Concerns Director IV Ahmma Charisma Lobrin-Satumba na mayroong tinatayang 1.4 milyon na mga household helpers sa bansa.

“Pero ang challenge po talaga ang compliance o pagsunod sa batas, halimbawa po doon sa batas nalaman nila na out of 1.4 million, 2.5% lang ang may employment contract so ito ay around 35,000 lang at 1.36 million ay walang written employment contract,” ani Lobrin-Satumba kasabay ng public briefing.

Aniya, kakaunti lamang sa mga kasambahay ang sakop ng social protection agencies.

“Malaki rin pong concern ‘yung maliit na coverage pa sa ating mga social protection agencies. Halimbawa po nakita roon 83% nung 1.4 million ay hindi pa covered,” sinabi pa nito.

“Kaya malaking challenge po ito talaga, ‘yung intensyon ng batas ay maikasatuparan na sila ay maprotektahan, mabigyan ng mga benepisyo. Ilan lang po ito sa mga challenges na kinakaharap natin sa pag-implement ng batas,” dagdag ni Lobrin-Satumba.

Samantala, ibinahagi niya na ang minimum wage sa lahat ng household helpers sa bansa ay tumaas sa lahat ng rehiyon mula sa P500 sa P2,500 depende sa rehiyon noong 2022.

“Ang good news po nung 2022 nagtaas po ang lahat ng rehiyon, through Regional Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWPB), ng mga minimum wage para sa ating mga kasambahay. Nagraraise from 500 to 2,500 ang increases natin at ngayon po ang pinakamababang sahod na P3,500 at mataas P6,000 depende sa region,” sinabi pa ng opisyal.

“Ang edad para maging kasambahay ay 15 years and above na, doon sa 15 to18 mas strikto tayo kasi mga bata ‘yan so ang 15 to 18 ang kasambahay kailangan di lalagpas sa walong oras sa isang araw ang kanilang pagtatrabaho or 40 hours a week,” dagdag nito. RNT/JGC