Kasaysayan ng Pinoy sa World War II, ipinasasama sa History subject

Kasaysayan ng Pinoy sa World War II, ipinasasama sa History subject

October 3, 2022 @ 6:45 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Gaya ng inaasahan, tuloy ang mga pagdinig ng komite sa Malaking Kapulungan ng Kongreso kahit naka-bakasyon ang mga mambabatas.

Sa pagdinig ng House Committee on Higher and Technical Education sa pangunguna ni Baguio City Representative Mark Go ay pinagsama at inaprubahan ang dalawang panukala na magmamandato sa higher education institutions (HEIs) na isama sa asignaturang history ang mga kwento o kasaysayan na naganap noong World War II.

Ang House Bill 933 ay inihain ni Pasig Rep. Roman Romulo samantalaang ang House Bill 4157 ay inihain naman ni Northern Samar Rep. Harris Christopher Ongchuan na ang layunin ay matutunan at malaman ng mga kabataan ang kabayanihan at kakaibang karakter ng mga Pilipino, sundalo, girilya at mamamayan sa panahon ng digmaan.

“But when we talk or sit down with our Veterans Affairs Committee, there are many stories there being told by Philippine Veterans Affairs Office Administrator Ernesto Carolina, maraming events during World War II na kung saan ang bida ay Filipino,” ani Romulo.

May mga pagkakataon din aniya na “karamihan po diyan kahit nangyari dito sa Pilipinas, ang main characters ay mga dayuhan.”

Kasabay nito ay ipinagpaliban naman ng komite ang pagtalakay sa House Bill 1724 na nag-aatas ang obligadong pagtuturo ng ethics subjects sa tertiary education.

Ginawa ni Laguna Rep. Ruth Mariano-Hernandez ang mosyon sa pagdinig kaninang umaga dahil hindi pa rin nagsusumite ang Commission on Higher Education (CHED) ng final evaluation nito sa pagtuturo ng ethics subjects sa kolehiyo.

Sinabi ni CHED Chairman Prospero de Vega na sa ngayon ay meron ng umiiral o itinuturo na ang three-unit course sa ethics sa general education program.

Ipinagpaliban din ng komite ang pagtalakay sa House Bill 4350 na inihain ni 4PS Partylist Rep. Jonathan Clement Abalos II na nagsusulong naman na maisama ang Foreign Language bukod sa English bilang Elective Course sa kolehiyo.

Sa halip ay humingi si Abalos ng mga dokumento sa CHED ukol sa “creating job-ready foreign language curriculum” sa mga estudyante maging ang “data pertaining to how competence of students is measured in terms of education, such as the nature of examinations and equivalency in levels for the creation of the said curriculum so that the bill could be improved.” Meliza Maluntag