Kaso ng binatilyong namatay sa tuli iimbestigahan ng DOH

Kaso ng binatilyong namatay sa tuli iimbestigahan ng DOH

March 30, 2022 @ 7:36 AM 3 months ago


MANILA, Philippines- Sinabi ng Department of Health (DOH) nitong Martes na ang kanilang regional office ay nakikipag-ugnayan na ngayon sa mga lokal na opisyal para imbestigahan ang pagkamatay ng isang 13-anyos na batang lalaki sa Lucena, Quezon matapos itong duguin kasunod ng kanyang pagpapatuli.

Sa media forum, ipinaliwanag ni Health Usec Maria Rosario Vergeire na bagama’t ang pagtutuli ay maaaring isang outpatient procedure at ginagawa sa labas ng mga ospital, ang naturang insidente ng kamatayan pagkatapos ng tuli ay hindi karaniwan.

“Unang-una, this is not a usual thing that happens, ito pong nagkakaroon ng mga ganitong insidente kapag nagkakaroon tayo nitong mga operation tuli or these medical missions,” ani Vergeire

Kailangan aniya itong masusing maimbestigahan at ang regional DOH office aniya ay handang makipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan kaugnay sa insidente.

Ang biktima na kinilalang si Angelo Tolentino ay sinasabing duguan hanggang sa mamatay matapos mag-avail ng libreng tuli sa isang medical mission na inorganisa ng fraternity group na Scout Royal Brotherhood sa Zaballero, Lucena City noong Marso 21.

Isinugod siya sa ospital noong araw ding iyon ngunit pumanaw noong Marso 22.

Pinaalalahanan naman ni Vergeire ang publiko na siguruhin na ang mga nagsasagawa ng pagtutuli ay mga lisensyadong doktor at ang equipment na ginagamit ay malinis para maiwasan ang impeksyon.

“Pinaka-appropriate also that our local governments ay maging mapanuri rin doon sa nagpapaalam sa’tin na magme-medical missions sa ating mga lugar. Makita po natin na sana these volunteers who want to help our kababayans are well-equipped para gawin nila itong mga ganitong klaseng misyon,” sabi pa ni Vergeire. Jocelyn Tabangcura-Domenden