Kaso ng dengue, mahigit 52K na – DOH

Kaso ng dengue, mahigit 52K na – DOH

April 5, 2019 @ 7:30 AM 3 years ago


Manila, Philippines – Umabot na sa mahigit 52,000 kaso ng dengue ang naitala ng Department of Health ngayong taon kung saan mahigit 200 sa mga ito ang namatay.

Base sa datos mula sa Epidemiology Bureau ng DOH, napag-alaman na 52,595 kaso ng dengue ang naitala sa buong bansa simula ika-1 ng Enero hanggang ika-23 ng Marso 2019 kung saan 210 ang namatay. Karamihan ng mga apektado ng sakit ay mga edad 5 hanggang 9 taon.

Ang naturang datos ay mas mataas ng 76% mula sa 29,861 naitalang kaso ng dengue noong nakaraang taon sa kaparehong period, ayon kay Health Undersecretary Eric Domingo.

Inaasahan pang taas ang naturang bilang sa mga susunod na buwan dahil sa El Niño.

“Naipakita rin na merong parang connection yung El Nino sa pagtaas ng cases kasi yung init tsaka yung panahon, parang nagiging mas agresibo yung mga lamok na mangagat ng tao at humahaba yung buhay nila,” ani Domingo.

At dahil sa kakulangan ng suplay ng tubig sa ilang mga lugar, maraming residente ang nag-iimbak ng tubig kung saan ang mga lamok na mayroong dalang dengue virus ay maaaring makapagpadami.

 “Kapag El Niño kasi, unang-una siyempre, nag-iipon tayo ng tubig sa mga lalagyan na maaaring pagbahayan at pagpugaran ng mga lamok.”

Dahil dito, nagbabala si Domingo sa publiko na takpan at palitan palagi ang mga iniimbak na tubig upang hindi ito pamugaran ng lamok./Remate News Team