Kaso ng dengue sa Pinas sumirit sa 69% nitong Enero

Kaso ng dengue sa Pinas sumirit sa 69% nitong Enero

February 22, 2023 @ 7:16 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Tumaas ng 69 porsiyento ang kaso ng dengue sa bansa mula Enero 1 hanggang 28 ngayong taon, ayon sa pinakahuling Disease Surveillance report na inilabas nitong Martes.

Iniulat ng Department of Health (DOH) ang 7,804 kaso na mas mataas sa 4,610 kaso naitala sa parehong panahon noong 2022.

Gayunman, mas mababa naman ang namatay ngayong taon na nasa 22 kumpara sa 38 noong nakaraang taon.

Ang may pinakamaraming bilang ng kaso ng dengue ay naitala sa Central Luzon na may 1,032, National Capital Region 1,081; Zamboanga Peninsula,834 ; Northern Mindanao, 821 at Calabarzon na may 639.

Inuri ng DOH ang dengue bilang fastest-spreading vector-borne disease sa mundo na endemic sa 100 bansa. Ang naturang sakit ay walang lunas ngunit mapapamahalaan kung maagang matukoy.

Hinimok naman ng Kagawaran ang lahat na puksain ang dengue sa pamamagitan ng 4S strategy: search and destroy, seek early consultation; self-protection measures; at say yes to fogging during outbreaks. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)