Kaso ng gastroenteritis sa Pangasinan, lumulobo

Kaso ng gastroenteritis sa Pangasinan, lumulobo

September 14, 2022 @ 1:00 PM 3 weeks ago


PANGASINAN, Philippines – Nababahala ngayon ang mga health officials sa Pangasinan dahil sa tumataas na kaso ng acute gastroenteritis sa probinsya.

Ayon kay Dr. Anna Maria Teresa de Guzman, provincial health officer, nitong Setyembre 12 ay nakapagtala na sila ng 4,564 na kaso ng sakit mula sa 44 na bayan at apat na lungsod.

Ang bilang na ito ay mula lamang noong Enero at nagresulta na rin sa pagkasawi ng 26 indibidwal mula sa 13 bayan at lungsod.

Kung pagbabatayan ang datos noong nakaraang taon sa kaparehong mga buwan, 132% itong mas mataas.

Mas mataas rin ng 116% ang bilang ng mga nasawi kumpara noong 2021.

Dahil dito ay masinsinan ang pagsasagawa ng kampanya ng lokal na pamahalaan kung paano maiiwasan na magkaroon ng sakit na ito.

“We have been conducting aggressive information campaigns on hygiene and proper food preparation to prevent more people from getting it,” ani de Guzman.

Ang acute gastroenteritis ay isang sakit na nakukuha mula sa kontaminadong pagkain o inumin na nagdudulot ng pagsusuka, pagkahilo, diarrhea at sakit sa tiyan. RNT/JGC