Kaso ng hand, foot and mouth disease sa Batangas, naitala

Kaso ng hand, foot and mouth disease sa Batangas, naitala

October 23, 2022 @ 3:00 PM 1 month ago


BATANGAS- Pinangangambahan ng municipal health office na lumaki pa ang bilang ng kaso ng hinihinalang hand, foot and mouth disease (HFMD) sa lalawigan dahil lalo pa itong nadagdagan sa nakalipas na apat na araw simula Oktubre 18.

Ayon kay San Pascual municipal health officer Dr. Joan Stephanie Matira, higit 40 hinihinalang kaso HFMD ang natuklasan sa San Pascual, Batangas na umakyat na sa 109 suspected cases.

“Suspected — ito po ‘yung pumapasok sa case definition po ng hand, foot, and mouth disease na may fever, rashes po sa katawan, and mouth sores,” ani Matira.

“Mayroon nga po kaming sinend na random sampling sa ating RITM. Kapag ‘yun po ay nag-positive, maaari po kaming magsabi na mayroon po talagang confirmed case,” dagdag pa ni Matira.

Kasunod nito, nagsagawa ng disinfect sa mga pampublikong paaralan at kabilang rito ang Sambat Elementary School na may mataas na bilang ng suspected cases.

Pansamantala naman itinigil ang face to face sa mga mag-aaral sa Grade 1 hanggang 3 sa Sambat Elementary School at ginawang modular lessons muna dahil sa HFMD suspected cases na naitala sa grade levels.

Pinag-aaralan na rin ng lokal na pamahalaan kung kelan magkakaroon ng face-to-face classes.

Batay sa datos ng Department of Health – Calabarzon (DOH Calabarzon), mayroon 91 kasong naitala na HFMD sa  Batangas — 49 ay nagmula sa San Pascual habang ang 42 ay mula sa Batangas City.

“[That is a] clinical diagnosis already kahit walang laboratory testing,” ani Dr. Voltaire Guadalupe ng Regional DRRM-H DOH Calabarzon.

Kinumpirma naman ng Batangas City Public Information Office na nakapagtala sila ng apat na kumpirmadong ng kaso ng HFMD habang 76 ang suspected, at 117 under monitoring.

Patuloy naman ang disinfection sa mga paaralan sa Batangas City, kabilang ang mga paaralan sa Alitagtag Central School, Muzon Elementary School, at Ping-as Coral Elementary School.

Ayon sa US Centers for Disease Control and Prevention (US CDC), HFMD ang sanhi ng virus ay mula sa enterovirus family.

Nakukuha ang virus na nagdudulot ng HFMD ay maaaring maipasa sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan ng tao-sa-tao, respiratory droplets, at pakikipag-ugnayan sa kontaminadong bagay, ayon sa US CDC.

Sinabi naman ng DOH na ang mga sintomas ng HFMD ay lagnat, ubo, sipon at ng mga sugat sa bibig, kamay at paa.

Ang HFMD ay karaniwan at hindi seryoso subalit posibleng mauwi sa komplikasyon.

Mabilis naman kumalat ang HFMD sa mga daycare center at paaralan.

Para maiwasan ang nasabing virus kailangan panatilihin ang paghuhugas ng kamay, malinis na kapaligiran, pagdidisimpekta, at iwasan makihalubilo a mga taong nahawaan ng HFMD.

Dagdag pa ng DOH na ang mayroon HFMD ay maaaring gumaling sa bahay at kailangan nitong uminom ng maraming tubig para manatiling hydrated. Mary Anne Sapico