Kaso ng HFMD sa Bulacan, tumaas

Kaso ng HFMD sa Bulacan, tumaas

March 1, 2023 @ 5:07 PM 4 weeks ago


BULACAN – Nasa 224 kabuuang kaso ng Hand, Foot and Mouth Disease (HFMD) ang naitala ng Provincial Health Office-Public Health mula Enero 1 hanggang Pebrero 4, taong kasulukuyan.

Dahil dito, pinaalalahanan ni Governor Daniel Fernando ang mga Bulakenyong magulang na may limang taong gulang na anak pababa na maging mapagmatyag sa mga senyales ng HFMD.

Aniya, agad patignan sa pediatrician ang mga batang nakakaranas ng lagnat, walang ganang kumain, masama ang pakiramdam, may singaw, pantal at masakit ang lalamunan.

Nalamang bagama’t hindi ito malalang sakit ay madali itong makahawa at maaring makamatay sa mga taong mahina ang resitensiya.

“Tayo po ay hindi pa lubusang nakakalaya mula sa COVID-19. Ayaw po natin ng panibago na namang sakit lalo na para sa ating mga anak. Sa oras po na makitaan natin sila ng mga sintomas, magtungo lamang po sa ating RHU at ospital upang mabigyan ng payong pangkalusugan ng ating mga doktor,” anang gobernador.

Sinasabing wala pang lunas para sa HFMD, ngunit maiiwasan ang paglala nito kung iinom ng analgesics, antipyretics, malamig na inumin, magmumog ng topical at oral antiseptics.

Payo ng kinauukulan ay maghugas ng kamay, gumamit ng protective equipment kung nag-aalaga ng hayop, ihiwalay ang mga may sintomas, mag-disinfect ng kapaligiran, magpalakas ng resistensiya at iwasan ang paggamit ng kutsara ng ibang tao para maka-iwas sa sakit. Dick Mirasol III