Kaso ng HFMD sa Cebu, tumaas!

Kaso ng HFMD sa Cebu, tumaas!

March 17, 2023 @ 1:00 PM 1 week ago


CEBU – Ikinabahala ng Cebu City Health Office ang pagtaas ng kaso ng hand, foot and mouth disease (HFMD) na ikinamatay na ng isa sa lungsod na ito.

Sa pahayag ni City Health Officer Dr. Daisy Villa, nakapagtala na sila ng 92 kaso ng Hand Foot and Mouth Disease sa 29 na barangay simula noong Enero hanggang Marso 11, 2023, kumpara sa nakaraang taon na tatlo lamang ang naitala.

Paglilinaw naman ni Villa na ang naitalang namatay na mayroong HFMD ay nagkaroon ng komplikasyon dahil sa pneumonia.

Aniya, ang barangay na may mataas na kaso ng HFMD ay ang Brgy. Kalunasan, na may 20, Barangay Guadalupe, 14 habang ang ibang barangay ay hindi na binanggit ang bilang ng mga kaso.

Karamihan sa mga dinapuan ng nasabing sakit ay ang mga batang may edad 10-taong gulang pababa habang may naitalang tatlong kaso sa mga edad 17 at 18.

Sa ngayon, lalo pang pinalawak ng City Health Office ang information dissemination campaign at pagtuturo sa mga magulang kung paano ito mapipigilan at mabigyan ng lunas.

Nanawagan naman si Villa sa mga magulang na may mga anak na nagkaroon ng nasabing sakit na sumailalim muna sa isolation ang mga ito, at wag munang payagang pumasok sa paaralan para maiwasan na makahawa at kumalat pa ang sakit. Mary Anne Sapico