Kaso ng HIV sa Negros Occidental ikinabahala

Kaso ng HIV sa Negros Occidental ikinabahala

December 3, 2022 @ 3:09 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Ikinabahala ng mga health officials sa Negros Occidental ang mataas na bilang ng mga tinamaan ng human immunodeficiency virus (HIV) sa probinsya.

Ayon kay Dr. Ernell Tumimbang, provincial health officer, ang paglobo ng HIV cases sa probinsya ay maituturing na “alarming” o nakababahala.

“The message we want to send is that it is important to get tested because early detection is the key to treatment and protection,” sinabi ni Tumimbang nitong Huwebes, Disyembre 1.

Dahil dito ay nagsasagawa umano sila ng community-based HIV screening at siniguro naman na magbibigay ng confidentiality sa mga hihingi pa ng tulong.

Ayon kay Tumimbang, ang mataas na bilang ng kaso ng HIV sa probinsya ay dahil na rin sa kampanya nila lalo na sa high risk groups kung kaya’t marami ang naisasailalim sa testing at nagagamot nang maaga.

Mula Enero hanggang Setyembre ngayong taon, nakapagtala na ang Negros Occidental ng 172 kaso ng HIV samantala ang Bacolod City ay mayroong 101.

Dahil dito ay nasa ikalawa at ikaapat na pwesto ng may pinakamataas sa Western Visayas ang dalawang magkasunod na nabanggit.

Sa kabila nito, nanguna ang Iloilo sa may pinakamaraming HIV cases sa 210, Capiz sa 106 na kaso, Iloilo City sa 92 kaso, Aklan na may 71 kaso, Antique na may 48 kaso at Guimaras na may 14 na kaso ng HIV ayon sa Provincial Health Office (PHO).

Halos 50% naman ng may HIV sa Negros Occidental ay nasa pagitan ng 25 hanggang 34 taong gulang at ang pinakabata ay 15-anyos.

Lalaki sa lalaki naman nangyaring transmission sa 115 sa nabanggit na mga kaso ng HIV ngayong taon. RNT/JGC