Kaso ng leptospirosis, bumaba, pero dengue case tumataas – DOH

Kaso ng leptospirosis, bumaba, pero dengue case tumataas – DOH

July 14, 2018 @ 5:28 PM 4 years ago


Manila, Philippines – Bumababa na ang kaso ng leptospirosis pero dumarami naman ang sa dengue.

Ito ang huling update ni Health Secretary Francisco Duque III ngayong araw ng Sabado, July 14.

“Pababa na tayo [sa leptospirosis]. Last week, 10 na lang. Hindi kagaya nung Week 26, more than 200 ang admissions,” paliwanag ng kalihim sa isang panayam sa radyo.

Itinuturo ni Duque ang paminsan-minsan na lang na pag-ulan na siyang dahilan ng bumababang kaso ng leptospirosis.

“Awareness ng mga kababayan sa araw-araw na pinapakiusapan sa ating mga himpilan, patuloy ang pagbibigay ng alerto o awareness campaign at sa diyaryo, marami tayong nilalabas na information campaign kung paano maiiwasan ang leptospirosis at vector diseases,” dagdag pa nito.

Sa kabila nito ay siniguro ng kalihim na mananatiling handa ang mga ospital para sa mga kaso ng leptospirosis.

Sinabi rin ni Duque na araw-araw tumatanggap ng report ang kanyang tanggapan kaugnay sa mga kaso ng leptospirosis at nasa kanilang desisyon kung idedeklara pa ang outbreak.

Nanawagan din ang kalihim sa mga local government unit para sa regular na pangongolekta ng basura at pagsasaayos ng flood control sa kanilang mga area.

Samantala, malungkot ring ibinalita ng kalihim na tumataas naman ang kaso ng dengue.

Sa huling tala, pumalo na ito sa 7,778 mula sa 5,968 na kaso o 20% ang itinaas. (Remate News Team)