Kaso ng rabies, tumaas – DOH

Kaso ng rabies, tumaas – DOH

March 10, 2023 @ 6:37 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Nagsimula nang tumaas ang bilang ng kaso ng rabies sa bansa makaraang makapagtala ng 55 kaso ngayong taon ang Department of Health (DOH).

Ayon kay DOH Epidemiology Bureau director Dr. Alethea De Guzman, lahat ng 55 kaso ng rabies ay nagresulta ng pagkasawi.

Ito aniya ay 8 porsiyentong mas mataas sa 51 kaso iniulat sa parehong panahon noong 2022.

Sinabi rin ni De Guzman sa DOH – Kapihan Forum na halos 100 porsiyentong nakamamatay ang rabies at lahat ng 55 kaso na nangyari ngayong 2023 ay pawang mga namatay.

Ang rehiyon na may pinakamaraming kaso ng rabies ay ang Region 3 na may 11 kaso, sinundan ng Calabarzon na may siyam na kaso.

Mayroon ding lima sa Region 5 at tig-apat na kaso sa Region 10 at 11.

Ayon kay De Guzman, karamihan sa human rabies cases ay nasa edad 20 hanggang 59 o 54 porsiyento ng kabuuang bilang ng kaso mula 2008 hanggang 2023.

Karamihan din sa iniulat na kaso ay mga kalalakihan na nasa 72 porsiyento.

Nakukuha ang rabies sa kagat ng infected na hayop tulad ng aso at pusa.

Ito ay naisasalin o naililipat sa pamamagitan ng laway (saliva) mula sa direct contact sa biktima na may sariwang sugat.

Idinagdag pa ng opisyal na maari rin itong mangyari, bagaman sa napakabihirang mga kaso, sa pamamagitan ng paglanghap ng spray na naglalaman ng virus o sa pamamagitan ng mga organ transplant.

Hindi naman sinagot ni De Guzman kung nakaka-alarma ang pagtaas ng kaso ng rabies ngunit aniya posibleng maiugnay ito sa pagpapabuti ng survellaince sa bansa.

Binanggit din ni De Guzman ang 81 probinsya sa bansa na idineklarang rabies-free mula 2008 hanggang 2020.

Kabilang rito ang probisnya ng Siquijor, Batanes, Biliran, Camiguin, Marinduque, Dinagat Islands, Catanduanes at Romblon. Jocelyn Tabangcura-Domenden