Kaso ng STI sa QC, tumataas

Kaso ng STI sa QC, tumataas

December 24, 2022 @ 1:26 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Dahil sa pagtaas ng kaso ng sexually transmitted infections o STI, binigyang-diin ng pamahalaan ng Quezon City ang pangangailangang mapakinabangan ang kanilang libreng pagsusuri, pagpapayo at konsultasyon para sa human immunodeficiency virus (HIV) matapos tumaas ng 56% ang bilang ng mga sexually transmitted infections (STI) ngayong taon.

Ayon sa ulat, nagtala ang QC Service Delivery Network ng 2,538 na kaso ng STI mula Enero hanggang Nobyembre kumpara sa 1,625 noong 2021, ayon sa datos na inilabas nitong Biyernes, Disyembre 23.

Nabatid na lumabas din sa datos sa 28,736 na sumailalim sa boluntaryong pagpapayo at pagsusuri sa HIV sa walong klinika sa lungsod, 738 o 3 porsiyento ang nagpositibo sa HIV.

Kaugnay nito, 57% o 373 ay kabilang sa 25-34 age bracket; 256 o 35% ay nasa edad 15 hanggang 24; 95 o 13% ay nasa edad 35 hanggang 49; at 13 o 2% ay hindi bababa sa 50 taong gulang.

Tinatarget ng HIV ang immune system at pinapahina ang depensa laban sa maraming impeksyon at ilang uri ng kanser na madaling labanan ng mga taong may malusog na immune system.

Samantala ang pinaka-advanced na yugto ng impeksyon sa HIV ay acquired immunodeficiency syndrome (AIDS), na maaaring humantong sa paglala ng ilang mga kanser, impeksyon o iba pang malubhang pangmatagalang sakit.

Nabatid pa na maaaring maipasa ang HIV sa pamamagitan ng pagpapalitan ng mga likido sa katawan mula sa mga taong nahawahan, tulad ng dugo, gatas ng ina, semilya at at ng isang ina sa kanyang anak sa panahon ng pagbubuntis at panganganak.

Ang mga ordinaryo at regular na kontak gaya ng paghalik, pagyakap, pakikipagkamay, o pagbabahagi ng mga personal na bagay, pagkain o tubig ay hindi nagiging sanhi ng HIV batay sa paglilinaw ng World Health Organization.

Kaugnay nito, sinabi ng Department of Health (DOH) na ang mga STI ay nagpapakita ng mga pisikal na sintomas tulad ng mga bukol o sugat sa balat, makating discharge, pananakit o paso habang umiihi, lagnat o iba pang sintomas na tulad ng trangkaso.

Gayunpaman, ang lahat ng mga sintomas ay maaaring sanhi ng iba pang mga sakit na hindi nakukuha sa pakikipagtalik habang ang ilang mga STI ay asymptomatic.

Nabatid pa sa ulat sa mga sumailalim sa pagsusuri sa Quezon City, 25,347 o 67.5% ay lalaki habang 3,389 o 32.5% ay babae; 1,523 ay hetero-lalaki o yaong inilarawan ang kanilang sarili bilang bahagyang bisexual; 3,315 ay mga babaeng transgender; at 20,509 ay mga lalaki na nakikipagtalik sa kapwa lalaki.

Ang pinakakaraniwang kaso ng STI ay ang gonorrhea sa 1,057 (52.75-porsiyento na pagtaas), na sinusundan ng mga non-gonococcal infection (NGI) na may 617 na impeksyon (139-porsiyento na pagtaas), at 349 na kaso ng syphilis (dalawang porsyentong pagbaba).

Sinabai pa sa ulat na sa 738 na kumpirmadong kaso ng HIV, 580 ang nagsimulang sumailalim sa antiretroviral (ART) therapy.

Kaugnay nito nauna nang inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang DOH na muling ituon ang mga pangkalahatang alalahanin sa kalusugan ng publiko tulad ng impeksyon sa tuberculosis, HIV at trangkaso, bukod sa COVID-19.

Sinabi ni Undersecretary Maria Rosario Vergeire, DOH officer-in-charge, sa isang naunang panayam na tumaas ang mga kaso ng HIV sa panahon ng pandemya. Santi Celario