Kaso ng theft, robbery sa ilang rehiyon bahagyang tumaas – PNP

Kaso ng theft, robbery sa ilang rehiyon bahagyang tumaas – PNP

November 21, 2022 @ 11:24 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines-  Sa paglapit ng holiday season, naobserbahan ng Philippine National Police (PNP) ang bahagyang pagtaas sa theft at robbery cases sa malalaking rehiyon gaya ng Metro Manila, Central Luzon, at Calabarzon.

“Sa mga ganitong panahon ng kapaskuhan ay nagkakaroon po talaga tayo ng mga slight increase pagdating po doon sa mga tinatawag nating crimes against property, particularly ‘yan pong theft at robbery,” pahayag ni PNP spokesperson Colonel Jean Fajardo nitong Lunes.

Sinabi ni Fajardo na karaniwang nagaganap ang mga krimen sa matataong lugar gaya ng flea markets, wet markets, at public transport terminals.

Ibinahagi rin ni Fajardo na ini-adjust ang police deployment kasunod ng mall operating hour adjustments upang gabayan ang publiko. Bukas na ang mga mall mula alas-11 ng umaga hanggang alas-11 ng gabi upang bawasan ang traffic congestion.

“Dahil nga po doon sa in-implement nga po na adjusted mall hours ay nag-adjust din po ng deployment ang ating PNP, particularly doon po sa mga areas na may mga malalaking mall po tayo, para magabayan din po natin ‘yung ating mga kababayan at makatulong din po tayo sa pagbabantay, lalong-lalo na diyan sa mga malalapit sa mga areas kung saan talagang nakikita natin na may dagsa po ng mga tao,” paliwanag niya.

Kasalukuyang nasa normal alert ang PNP sa Metro Manila subalit paiigtingin ito sa paglapit ng Disyembre, ayon kay Fajardo. RNT/SA