Kaso ng tigdas tumaas ng 179% ngayong taon vs 2021

Kaso ng tigdas tumaas ng 179% ngayong taon vs 2021

October 14, 2022 @ 9:22 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Iniulat ng Department of Health (DOH) nitong Huwebes, Oktubre 13 ang napakalaking pagtaas ng kaso ng tigdas sa bansa nitong Setyembre ng taong ito kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon.

Ang pinakahuling datos ng DOH ay nagpakita na mayroong 11 karagdagang mga kaso mula Setyembre 11 hanggang 17, kung saan ang kabuuan ay umabot sa 413 noong Setyembre 24.

Nagtala ito ng 179% na pagtaas kumpara sa kaparehong panahon noong 2021 kung saan mayroon lamang 148 na kaso.

Ang mga rehiyon ng Cagayan Valley; Bicol; Kanluran, Gitnang, at Silangang Visayas; Hilagang Mindanao; at CARAGA ay nagkaroon ng tig-iisang bagong kaso habang ang Ilocos Region at Metro Manila ay may tig-dalawang bagong impeksyon.

Sa kabuuan mula noong Enero 1, karamihan sa mga kaso ng tigdas ay nagmula sa Calabarzon na mayroong 66, Central Visayas na may 58, at Metro Manila, 44.

Sa lahat ng rehiyon , nakitaan ng pinakamalaking pagtaas ay ang Central Visayas na may 1,060% increase matapos makapagtala lamang ng limang kaso noong 2021 hanggang 58 noong 2022.

Sinundan ito ng MIMAROPA na mayroong 20 impeksyon, mula sa dalawang kaso lamang noong nakaraang taon.

Samantala, ang dalawang nasawi ay naiulat noong mga nakaraang buwan mula sa Calabarzon at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Nauna nang nagbabala si Department of Health officer-in-charge Dr. Maria Rosario Vergeire na posibleng magkaroon ng measles outbreak sa 2023 dahil sa mababang saklaw ng bakuna. Jocelyn Tabangcura-Domenden