Kaso ng WILD diseases sa Calabarzon, tumaas

Kaso ng WILD diseases sa Calabarzon, tumaas

November 10, 2022 @ 1:03 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Nakapagtala ng pagtaas sa kaso ng WILD diseases ang Calabarzon ngayong taon.

Ang WILD diseases ang tawag sa mga waterborne infectious diseases, influenza, leptospirosis at dengue.

Ayon sa Department of Health-Center for Health Development sa Calabarzon, nakapagtala ng 200% ng pagtaas sa mga sakit tulad ng acute bloody diarrhea, Hepatitis A, at typhoid fever.

Mayroon namang 80% pagtaas sa acute viral hepatitis mula Enero hanggang nitong Nobyembre 5 kung ikukumpara sa kaparehong buwan noong 2021.

Samantala, 152% naman ang itinaas sa mga kaso ng dengue, 53% sa kaso ng leptospirosis at 34% sa mga influenza-like illnesses.

Dahil dito ay pinalakas pa ng DOH – Calabarzon ang kanilang kampanya laban sa WILD diseases sa rehiyon.

“Ang WILD diseases kasi year in, year out, talagang meron iyan. Kasi ang lepto, as it is, endemic iyan eh. Ang binabantayan natin ay iyong magiging epekto niyan sa tao mismo. Once na magkaroon ng lepto, maka-recover ba siya o maging fatality? Kaya critical ang early detection and early diagnosis,” pahayag ni DOH – Calabarzon regional head Ariel Valencia. RNT/JGC