Kaso ni Apollo Quiboloy iniimbestigahan ng DOJ

Kaso ni Apollo Quiboloy iniimbestigahan ng DOJ

September 21, 2022 @ 1:39 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Mayroong ginagawa ang Department of Justice (DOJ) sa kasong sex trafficking na kinahaharap ni Kingdom of Jesus Christ (KJC) Founder Pastor Apollo Quiboloy.

Inihayag ito ng Department of Justice sa isinasagawang plenary deliberation ng Kamara para sa panukalang budget ng ahensya, kung saan dito ay inungkat ni Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas ang nakabinbing kaso laban kay Quiboloy kung saan ang tanong nito ay ano ang ginagawang aksyon ng DOJ.

Sagot ni Davao de Oro Rep. Ruwel Peter Gonzaga, na siyang sponsor ng budget ng DOJ, may mga kaso na isinampa laban kay Quiboloy na naibasura na habang may ilan na sumasailalim pa sa imbestigasyon. Hindi naman nito inilahad kung ano-ano ang mga kinahaharap na kaso ni Quiboloy na iniimbestigahan ng DOJ.

Noong 2020 ay matatandaang ibinasura ng Davao City Prosecutor’s Office ang kasong rape, child abuse, trafficking in persons through forced labor at trafficking in persons through sexual abuse laban kay Quiboloy at 5 iba pa, ang desisyon sa nasabing kaso ay hindi pa pinal dahil nirerebyu pa ito ng Office of the Justice Secretary.

Sinabi ni Brosas na hindi dapat isantabi ng DOJ ang usapin lalo at napakaseryoso ng mga alegasyon laban kay Quiboloy.

Nangako naman si Gonzaga na magsusumite ng report sa Kamara ukol sa update sa kaso ni Quiboloy.

Maliban sa sex trafficking case sa bansa ay nahaharap din sa iba’t ibang kaso sa Estados Unidos si Quiboloy, batay sa US Federal Bureau of Investigation (FBI) si Quiboloy ay wanted sa Conspiracy to Engage in Sex Trafficking by Force, Fraud and Coercion, Sex Trafficking of Children; Fraud, and Coercion; Conspiracy at Bulk Cash Smuggling. Gail Mendoza