Kaso vs babaeng nagkidnap-kidnapan ibinasura sa Caloocan

Kaso vs babaeng nagkidnap-kidnapan ibinasura sa Caloocan

October 27, 2022 @ 12:16 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Ibinasura ng Office of City Prosecutor ng Caloocan City ang mga kasong isinampa ng Caloocan City Police Station (CCPS) laban sa isang babaeng inakusahan ng pulisya na pineke umano ang tangkang pagdukot sa kanya noong nakaraang buwan.

Idinispatsa ng Tagausig na si Assistant City Prosecutor Marni Rose D Zatarain ang habla ng CCPS laban kay Samantha Pargad dahil sa lack of probable cause.

Noong nagdaang Setyembre, kinasuhan ng CCPS si Pargad ng unlawful means of publication and unlawful utterances sa ilalim ng Article 154 ng Revised Penal Code (RPC), at libel sa ilalim ng Art. 353 ng RPC.

Ito ay matapos na umano’y palabasin ni Pargad na tinangka siyang dukutin ng isang lalaking naka-motorsiklo na nagpakilalang pulis sa Alma Jose St., Barangay 177, Caloocan na nag-viral sa social media.

Magugunitang unang sumingaw sa dalawang umano’y saksi na magkakilala si Pargad at ang “inireklamo” niyang rider, at kasunod nito ay sinabi ng pulisya na kabulaanan umano ang mga sinabi ni Pargad batay sa noo’y bagong closed-circuit television (CCTV) camera footage at mga pahayag ng mga saksi.

Ilang sektor ang agad na nagtaka, dahil hindi naman umano nangangahulugang dahil magkakilala ang dalawang tao ay hindi na pwedeng pagtangkaang gawaan ng masama ng isa sa mga ito ang kabilang panig.

Iniatas naman ng pulisya ang “reinvestigation” ukol sa nasabing insidente, at matapos ang desisyon ng Tagausig ay humingi na din ito ng paumanhin sa abala at pinsalang idinulot ng insidente sa mga nasangkot. Merly Iral