Kasong graft isinampa vs. DepEd supervisor sa Taguig

Kasong graft isinampa vs. DepEd supervisor sa Taguig

February 28, 2021 @ 1:12 PM 2 months ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – Sinampahan ng kaso sa Taguig City Metropolitan Trial Court ang isang DepEd District Supervisor ng Taguig City-Pateros District ng kanyang kapwa supervisor dahil sa paglabag sa R.A. 3019 o Anti Graft and Corrupt Practices Act.

Pinagsimulan ng pagrereklamo sa korte ang pagpilit umano ng isang Gng. Salome Castro, DepEd supervisor, sa mga punong-guro sa kanyang nasasakupang Cluster na binubuo ng 5 pampublikong mga paaralan, na magbayad ng kanyang personal at araw-araw na gastusin mula sa kita ng kantina, samantalang mayroong pondo ang DepEd para sa naturang mga gastusin.

Sa kanyang Complaint Affidavit, sinabi ni Dr. Ellery Quintia na nagsimula ang panghihingi ni Gng. Salome ng pera nang maitalaga siya noong 2015 bilang District Supervisor sa limang paaralan at Officer In Charge ng Bagong Tanyag Elementary School Main.

Ang naturang kaso ay umiikot sa sapilitang paghingi ni Gng. Salome ng P500.00 galing sa kinikita ng kantina, na nagsisilbing pambayad sa kanyang personal na linya ng telepono gayong binabayaran naman ng paaralang nasa kanyang ilalim kada Linggo, bukod pa rito ang Load Allowance na kanyang tinatanggap sa mismong ahensyang kanyang kinabibilangan.

Pinunto ni Dr. Quintia na mahigpit na ipinagbabawal sa ilalim ng RA 3019 ang pagtanggap ng supervisor ng Load Allowance at Transportation Allowance sa dalawang opisina.

Gumagamit din umano si Gng. Salome ng service vehicle na may libre namang gasolina na kapwa bigay ng local government ng Taguig pero tuloy pa rin ang paghingi niya ng gas allowance sa canteen ng Bagong Tanyag Elementary School Main at DepEd Taguig City-Pateros.

Nangangamba si Dr. Quintia na sa patuloy na gawa ng supervisor ay nagbibigay dungis sa opisinang kanilang pinaglilingkuran ang aniya ay direktang pangungurakot ng salapi ng bayan ng supervisor at sumisira sa moral na dapat sana sila ang nagpapatupad sa mga estudyante.

Pinatotohanan naman ng ilang principal na mismo ay saksi sa ginagawa ng DepEd supervisor na sila mismo ang nag-aabot ng pera sa isang Gng. Jovita Maik-Cahinding, na kapatid at sekretarya ng supervisor na labag din umano sa katungkulan ng supervisor ang kumuha ng sariling sekretarya.

“Bilang supervisor ng DepEd, tumatanggap kami ng mga benepisyo at allowances kabilang ang transportation at load allowances mula sa Kagawaran kaya hindi marapat na gamitin ang aming posisyon para makakuha ng ganansya sa mga principal at canteen,” sabi ni Dr. Quintia.

Sabi pa ni Dr. Quintia na G. Juan Basco, dating principal, ay nakatikim ng panghihiya sa harap ng iba pang principal sa kanilang miting, ng supervisor na si Gng. Salome nang hindi niya bayaran, dahil mahina ang kita ng kanyang kantinang pinamamahalaan, ang personal na gastusin ng inaakusahan. ginawa rin umano ni Gng. Salome ang panghihiya upang magtanim ng takot sa mga principal at magbigay babala sa sinomang susuway sa kanyang mga utos.

Sinertipikahan naman ng Administrative Officer IV ng DepEd na si Gng. Susana Dayanghirang na tumanggap ng mga benepisyong Load Allowance at Transportation Allowance ang inaakusahang si Gng. Salome.

Pangalawa na si Gng. Salome sa opisyal ng DepEd Taguig City-Pateros sa sinamapahan ng reklamong pang-aabuso at graft dahil sa pagkuha sa pera sa kaban ng bayan gamit ang pananakot sa mga principal. Dave Baluyot


  •  
  •  
  •