Kasong indirect contempt ni De Lima ibinasura ng Muntinlupa RTC

Kasong indirect contempt ni De Lima ibinasura ng Muntinlupa RTC

May 28, 2022 @ 10:45 AM 1 month ago


MANILA, Philipines- Ibinasura ng Muntinlupa Regional Trial Court (RTC) ang kasong indirect contempt na isinampa ng Department of Justice (DOJ) laban kay nakapiit na senadorang si Leila de Lima at sa kanyang abugadong si Filibon Tacardon.

Base sa desisyon na nilagdaan ng Mayo 2 ngunit inilabas lamang nitong Mayo 27 ni Muntinlupa RTC Presiding Judge Gener Gito ng Branch 206, kanyang ibinasura ang kasong indirect contempt laban kina De Lima at kanyang abogadong si Tacardon dahil sa “lack of merit.”

Matatandaan na sinampahan ng kasong indirect contempt ng DOJ panel of prosecutors si De Lima dahil sa pagbibigay ng kanyang salaysay sa media tungkol sa kanyang kinakaharap na kasong may kinalaman sa illegal na droga na pinayagan ng kanyang abogadong si Tacardon na siya ring kasama sa nabanggit na kasong isinampa ng DOJ laban kay De Lima.

Ang salaysay ni Tacardon sa media tungkol sa tatlong kasong may kinalaman sa droga na isinampa ng DOJ laban kay De Lima noong Pebrero 2017 ay may orihinal na kasong illegal na drug trading ngunit sa bandang huli ay pinalitan ito ng “conspiracy to commit illegal drug trading.”

Sa kasalukuyan, isang kaso na may kinalaman sa droga ang naibasura na ng isang korte ng Muntinlupa noong Pebrero 2021 habang dalawa pang kaso na kinakaharap ng senadora ang hanggang sa kasalukuyan ay naka-pending pa sa korte.

Ayon kay De Lima, sa una pa lamang ay wala basehan ang kasong isinampa laban sa kanya at ginawa lamang ang pagsasampa ng kaso sa kanila para patahimikin sila ng kanyang abogado at hadlangan din sila na makapagsalita sa publiko.

Dagdag pa ni De lima, ang pagbasura ng korte sa kasong isinampa laban sa kanya at ng kanyang abogado na indirect contempt ay nagpapakita ng matagumpay sa paghahayag ng ekspresyon, transparency at karapatan ng publiko na malaman ang katotohanan. James I. Catapusan