Kasong murder ikinasa vs Cagayan Vice Mayor, 3 pa

Kasong murder ikinasa vs Cagayan Vice Mayor, 3 pa

July 22, 2022 @ 3:06 PM 4 weeks ago


GATTARAN, CAGAYAN- Nahaharap ngayon sa kasong murder si Gattaran Vice Mayor Matthew Nolasco at tatlong iba pa kaugnay sa pagpatay sa isang negosyante nitong nakalipas na Disyembre ng nakaraang taon.

Sa inilabas ng Tanggapan ni Cagayan Provincial Prosecutor Ronnel Nicolas, inaakusahan sina Vice Mayor Matthew Nolasco y Cabote, Joles Salvatierra y Cardenas, Jofel Alipio y Taloza at Mateo De Torres y Gabani ng kasong pagpatay sa biktimang si Jefferson Torricer y Hacotina, tubong Gattaran subalit residente ng Penarobia, Abra.

Ang kasong murder na isinampa kina Nolasco ay naitala sa Criminal Case No. II-16391, Docket No. II-02-INV-21L-00518 na inahain ng Panlalawigang Taga-usig sa Regional Trial Court Aparri, Cagayan.

Batay sa inilabas na resolusyon ng Provincial Prosecutors Office, malinaw sa isinagawang imbestigasyon na sina Nolasco at mga kasama nito ang nasa likuran ng pagpatay kay Torricer noong gabi ng Disyembre 5, 2021 sa loob ng Veranda Resto Bar, Brgy. Magapit, Lal-lo, Cagayan.

Sa mga testimonya ng mga saksi at sa pagsisiyasat, pinagtulung- tulungan nina Alipio, Salvatierra at De Torres na gupuin si Torricer sa dingding ng resto bar bago ito lapitan ni Nolasco at tutukan ng baril sa baba sabay pinaputok na naging sanhi ng agarang kamatayan ng biktima.

Walang inirekomendang piyansa ang Tanggapan ng Provincial Prosecutor para sana sa pansamantalang kalayaan ng nga akusado.

Samantala, si Vice Mayor Nolasco ay kasalukuyang Mayor ng bayan ng Gattaran noong maganap ang pagpatay sa naturang biktima. Rey Velasco