KASONG MURDER PARA SA PUMASLANG KAY DINOY

KASONG MURDER PARA SA PUMASLANG KAY DINOY

December 6, 2021 @ 4:25 PM 10 months ago


UPDATE ito sa pagkakapaslang kay Newsline Philippines reporter na si Orlando “Dondon” Dinoy noong October 30, 2021, at kasong murder na ang isinampa laban sa pangunahing suspect na si Brandie Mercado Campaner alias “Bos-Bos” na kinilala ng ilang saksi bilang gunman na bumaril kay Dinoy.

Bilang Executive Director ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) ang inyong lingkod at ang  aking iba pang kasama sa task force ay tinututukan ang mga kasong ganito. At kahit aming napag-alaman na walang kinalaman ang pagpaslang kay Dinoy sa kanyang trabaho bilang mamamahayag, patuloy pa rin namin sinusundan ang mga kaganapan upang makamit ang hustisya sa pagpatay sa biktima.

Si Dinoy na miyembro din ng LGBTQ community, ay napatay matapos pagbabarilin sa loob ng kanyang apartment sa Mother Ignacia, Poblocaion Uno, Bansalan, Davao del Sur.

Sa aming mga nakalap na impormasyon sa Bansalan Municipal Police Station malaking galit o matagal nang alitan ang bunsod ng pagpatay, na may kinalaman sa iba pang mga gawain ni Dinoy bukod sa pagiging reporter nito.

Kaya naman ating pinapupurihan ang Philippine National Police (PNP), partikular na ang Special Investigation Task Group Dinoy, sa mabilis na pagkakalutas ng kaso at malawakang paghahanap sa suspek na si Campaner sa lahat ng sulok ng Mindanao.

Sinasaluduhan  natin ang lahat ng men and women ng PNP, espesyal na sina BGen. Filmore Escobal, Regional Director ng PRO 11, PMaj. Peter Glen Impong, Chief of Police ng Barsalan MPS at mga imbestigador na sina Lt.Col. Alan Vergiza, PCpl. Alan Vergoza, PCpl. Michael Soriano at PCol. Gusseppe Geralde sa mabilis nilangnpagkakalutas sa kaso ng pagpatay kay Dinoy. Pinasasalamatan namin kayo, mga Sir, sa inyong dedikasyon sa inyong tungkulin upang hanapan ng kalutasan ang heinous crime na ito.

Ang PNP po para sa inyo na ring kaalaman ay isa lang sa mga katuwang ng PTFoMS, na kinabibilangan ng iba’t ibang ahensya ng ating pamahalaan na tumututok sa pagbibigay-proteksyon sa mga kasapi ng sektor ng media, na nanggaling sa kauuna-unahang kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa nilagdaan nitong Administrative Order No. 1 noong siya ay napunta sa Malaca√Īang noong 2016.

Samantala, ang mga saksi sa kaso ay inirekomenda nang mapasailalim ng Witness Protection Program ng Department of Justice.

At kahit wala ngang kinalaman sa kanyang trabaho bilang mamamahayag ang pagpaslang kay Dinoy, patuloy ang PTFoMS na tututok sa kaso hangga’t mahuli ang suspek na si Campaner at matukoy kung sino pa ang nasa likod nito.

Sa mga nagpopropaganda sa kasong ito, huwag kayong manahimik. Kung tutulong kayo, tumulong kayo. Ginagamit niyong “media killing” ang kaso para siraan lang ang pamahalaan at para sa pansarili ninyong kapakinabangan lang. Pero hindi naman talaga kayo nakatutulong. Bagkus natutulungan ninyo pa nga ang salarin sa panggugulo niyo sa kaso.

Tulungan natin ang mga maliliit na kasapi ng media na mapalakas ang kanilang mga kalagayan sa buhay. Ang panukalang Media Workers Welfare Act na nakbinbin pa sa Senado ay isa nang halimbawa.

Assalamu Alaikum Warahmatullahi Wabarakatuh!