Kasunod ng P1 fare hike sa jeep… ilan pang mga pampublikong sasakyan, gusto ring humirit

Kasunod ng P1 fare hike sa jeep… ilan pang mga pampublikong sasakyan, gusto ring humirit

July 6, 2018 @ 2:09 PM 5 years ago


Manila, Philippines – Bukod sa kaaapruba pa lang na dagdag-singil sa pasahe ng grupo ng pampublikong jeepney, iba’t ibang mga hirit  ng pampublikong sasakyan din ang nakabinbin pa sa opisina ng the Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Katulad na lang ng mga city bus na humihiling na taasan ng P3.30 pesos para sa ordinary bus at P5 pesos naman para sa mga air-conditioned sa unang limang kilometrong takbo.

Pati ang mga provincial bus ay humihirit din na taasan ang kanilang pasahe mula sa P9.00, dapat anila ay gawin itong P11.95 para sa unang limang kilometro.

Nagbabadya rin ang mga UV express ng dagdag na 2-piso sa bawat kilometro.

Una nang humirit ang mga tsuper at operator ng PUJ ng P2 fare hike pero kalahati lang dito ang inaprubahan ng LTFRB.

Sa ngayon ay inilabas na ng LTFRB ang pirmadong kasulatan na nagsasabing P9 na ang minimum fare sa mga jeep sa National Capital Region, Region 3 at Region 4.

Matatandaang noong  Oktubre 2017 ay pinayagan din ng LTFRB ang hirit ng mga taxi na dagdagan ng P10 ang kanilang flagdown rate.

Bukod dito, nito lamang March 2018, pinagbigyan din ang Light Rail Transit na magtaas ng kanilang pasahe. (Remate News Team)