Nagbabala ang Department of Public Works and Highways na katakot-takot na trapik ang mararanasan ng mga mamamayan ngayong pinasisimulan na ang napakaraming proyektong imprastraktura.
May matagalan at may mga panandalian.
Naiintindihan natin ang mga proyektong malalaki na talaga namang umuubos ng oras, araw, buwan at taon.
Kailangan na kailangan natin ang mga proyektong ‘yan.
Sa kalaunan, laban ang lahat ng iyan sa mga grabeng trapik sa mga darating na panahon.
Laban sa mga baha, laban sa kakulangan ng mga silid-aralan at iba pa.
Laban sa mga luma na nagiging sanhi ng mga disgrasya dahil sa pagkagiba, sunog at iba pa.
Pabor din sa pagtakbo ng mga negosyo, ng mga produkto at serbisyo.
At pabor na pabor sa milyon-milyong kabataan na nag-aaral at maging sa mga obrero at magsasaka na pawang mga gulugod ng ekonomiya ng buong bansa.
At kung walang makokorap at madarambong sa mga pondo, tiyak na magagawa ang lahat ng proyekto sa tamang oras, gayundin na maganda ang kalidad ng mga ito.
Nitong nakaraang mga administrasyon, dinaraan lahat sa lowest bidding ang mga imprastraktura pero may mga korapsyon at pandarambong.
Ang nangyayari, nade-delay nang nade-delay ang mga proyekto dahil humihinto ang mga ito sa kawalan ng pondo at mga araw na panghihingi ng pondo o supplemental badyet.
Sa simula pa lang kasi, nilalamon na ng mga korap at mandarambong ang mga pondo sa pamamagitan ng mga komisyon na napakalalaki hanggang sa nasa 30-40 porsyento na lang ang natitirang mga pondo.
Napakarami pa nga ng ghost project na talaga namang sanhi rin ng trapik dahil walang itinatayong anomang proyekto laban sa trapik.
Kung pupwersahin mo namang ipatapos ang mga proyekto sa lowest bidder, naririyan na ang substandard na kalidad.
Sa kaso ng tren, naririyan ang araw-araw na sira.
Sa mga kalsada, maapakan lang ng pusa ang mga ito, bitak-bitak na.
At ang mga tulay, sa halip na gawing 4-way lane, hanggang 2-way lane lang.
Ang mga gusali, madaling mabitak o masira at madali ring masunog.
At napakarami pang ibang anyo ng napakasamang imprastraktura ng pamahalaan.
Meron lang tayong mga kahilingan.
Dapat na ayusin ng DPWH at kontraktor ang mga lugar ng kanilang proyekto at hindi hayaang nakahambalang ang mga gamit, trak at iba pa na nakapeperwisyo sa mga motorista at mamamayan.
Magtalaga rin sila ng mga bantay sa araw at gabi at sa buong panahon ng proyekto at hindi ipaubaya sa mga adik at tambay.
Kung kulang ang kanilang pwersa, pupwede naman silang makipag-ugnayan sa mga barangay na may mga tanod.
Kapag nagpabaya ang DPWH at kontraktor, dapat silang panagutin sa kapabayaan at iba pang perwisyong dulot nila.
Dapat na seryosohin nang husto ang sinasabi mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte na huwag hayaang nakatiwangwang ang mga proyekto, kung hinde, eh, lagot ang dapat na managot.
– PAKUROT NI BOTONES