KATAM: Paano ito iiwasan ngayong taglamig?

KATAM: Paano ito iiwasan ngayong taglamig?

October 11, 2018 @ 7:32 PM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Masarap talaga kapag taglamig ang humilata na lang,  lalo na kung sasabayan pa ng pag-ulan.

Para kasing may kung anong enerhiyang yumayakap sa’yo tuwing taglamig at bumubulong sa’yo na manatili na lang kung nasaan ka. Iyan yata yung kung tawagin ay “Katam” o sa buong salita, KA-TA-MA-RAN.

Hindi natin maintindihan pero parang kapag taglamig ay tulog na rin yun kasipagan na natitira sa ating katawan at dahil nga, opisyal nang idineklara ng PAGASA kamakailan ang ‘cold season’ dahil sa pagdating ng Hanging Amihan, hindi naman pupwedeng tutulala ka na lang at magpapakain sa katam.

Bangon-bangon din at may trabaho ka pa! Narito ang ilang tips nang maiwasan ang katamaran at maging produktibo:

#1 PAINITIN ANG SARILI

Sa agham, kapag pinainit mo ang molecules, mas kumikilos sila. Ganoon din tayo dahil gawa tayo sa molecules. Paano ba tayo magpapainit? Siyempre, unang-una, gumising ka ng maaga. Mahirap pero kailangan. Galaw-galawin mo ang sarili at piliting bumangon.

Sa oras na makabangon ka na, simulan mo nang mag-unat-unat. Sa pag-uunat kasi, magigising mo na ang natulog mong muscles at sa oras na ito, tiyak na gaganahan ka nang gumalaw.

#2 MAS MAG-INIT

Hindi lang sa pag-uunat matatapos ang lahat. Magsuot ka ng rubbershoes at simulan ang ehersisyo. Kahit mga simpleng ehersisyo lang gaya na lang ng jogging o jumping jack. Ang mahalaga, dumaloy ang dugo mo at pagpawisan ka. Nakakatulong ang exercise para maging fit ka at maliksi.

#3 MAGHANDA SA BAKBAKAN

Matapos mag-alab ng iyong umaga, oras na para maghanda na sa bakbakan. Dito naman natin pagagalawin ang iyong pag-iisip.

Kapag taglamig, mahirap mag-isip kasi mas madali ang tumulala o manood na lang. Pero huwag kang papatalo, kaya isipin mo na o planuhin ang gagawin mo ngayong araw. Mas nakakatamad yung pakiramdam kapag wala kang gabay sa gagawin mo.

Pwedeng simulan mo sa pagluluto ng masustansiyang pagkain, o pamamalengke. Isama mo na rin sa planong gawain ang pag-aayos ng bahay. Siguraduhing ilista ang mga gawain.

#4 ILAGAY ANG POKUS SA GAWAIN

Tanggalin ang mga distraction sa gawaing inilista, o kung nasa trabaho ka. Gaya ng gadgets na dadalhin ka sa mga social networking sites at online games. Siguradong mawawala ka talaga sa pokus. Bigyan ng deadline ang sarili para mas sipaging matapos ng maaga ang Gawain.

#5 TAPUSIN ANG ARAW NANG MASAYA

Isama mo sa mga nilistang gawain ang pag-treat sa iyong sarili. Sa ganitong paraan kasi mae-excite ang isang tao na tapusin ang trabaho. Dito, matuturuan mo ang sarili na kumilos dahil may naghihintay na magandang bagay para sayo.

Nakakapagod naman kasi talaga ang magtrabaho. Lalo na at araw-araw mo itong ginagawa. Kaya naman kapag malamig ay talagang kumakapit iyang katam at mabilis na bumigay ang ating katawan.

Walang masama sa pagpapahinga pero dapat paganahin din natin ang isip natin. Hindi pwedeng dahilan ang pagod para hindi gawin ang isang bagay na importante. Mahirap ang hindi maging produktibo. Siguruhin na sa araw-araw na pamumuhay mo ay may magagawa ka para sa sarili, sa pamilya at sa ibang tao. (Remate News Team)